GMA Kapuso Foundation, naghandog ng school supplies para sa 4,100 mag-aaral | GMANetwork.com - Foundation - Articles

4,100 mag-aaral sa Quezon City at Caloocan ang hinandugan ng school supplies ng GMA Kapuso Foundation.

GMA Kapuso Foundation, naghandog ng school supplies para sa 4,100 mag-aaral

By MARAH RUIZ

Sa pangangalakal kinukuha ng anim na anak ni Charilyn Ragas ang mga gamit nila para sa eskuwela tulad ng mga patapong papel at notebooks.

 

"Sa mga basura po, nangangalakal po sila sa basura. 'Pag nakakita po sila ng mga papel, kinukuha po nila para po magamit po nila sa school," kuwento ni Charilyn.

Ang kinikita kasi niyang P500 kada araw, sapat lang para sa pagkain nilang mag-anak.

"Naawa po ako sa kanila kasi hindi po namin dalawang mag-asawa maibigay 'yung kailangan po nila," pahayag niya.

Gayunmapan, sinusugardo ni Charilyn na binibigyan niya ng oras ang mga anak.

"Pilit nilang itinaguyod 'yung mga anak nila na paaralin po talaga. Tuwang tuwa ko sa mga bata kasi nagsusumikap talaga silang matuto," papuri ng gurong si Nene Lagundimao kay Charilyn at sa mga anak nito.

Samantala, school bag naman ang hiling ng six-year-old na si Hans. Pinagkakasya kasi ng kanyang inang si Hazel Amado ang mga gamit niya sa isang plastic envelope.

"Masakit po 'yun sa dibdib na nakikita mo 'yung anak mo na nalulungkot din po kapag hindi naibiigay 'yung gusto," lahad ni Hazel.

Bilang tulong para sa kanila, handog ng GMA Kapuso Foundation ang school bags na may kumpletong school supplies, hygiene kit, at face mask para sa ilang mag-aaral sa Caloocan at Quezon City.

 

 

Sa ilalim ng Unang Hakbang sa Kinabukasan Project, 4,100 bags ang naihandog para sa mga estudyante ng Camarin D. Elementary School sa Caloocan at President Corazon C. Aquino Elementary School sa Quezon City.

 

Kaisa ng GMA Kapuso Foundation sa Unang Hakbang sa Kinabukasan Project ang Philippine Army JTF-NCR, Ever Gotesco Malls, at Colgate Palmolive Philippines.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring mag-deposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya,  GCash, at Globe Rewards.

Maari rin mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora, at Mega Mart.