September 15 2021
Pagkasira ng mga bahay at kabuhayan ang iniwan ng bagyong Jolina sa ilang residente sa Masbate.
Kabilang dito ang pamilya ni Rosana Seleriana na taga Burias Island, Masbate.
Dahil natigil sa pangingisda ang kanyang asawa dahil sa lakas ng hangin at ulan, pinagsasaluhan nila ng kanyang anim na anak ang pananim nilang malunggay.
"Nangungutang lang po sa amo namin, makaraos man ng kahit konti," kuwento ni Rosana.
Pati ang kanilang tahanan, nasira din ng bagyo. Tinangay ng malakas na hangin at bubong nito.
"'Yung dagat 'pag malakas, malakas ang alon, abot din po dito sa aming bahay," paliwanag niya.
Buti na lang, nanatiling ligtas at kumpleto silang buong pamilya.
Kabilang sina Rosana sa mga natulungan sa pagpapatuloy ng Operation Bayanihan ng GMA Kapuso Foundation para sa mga naapektuhan ng hagupit ng bagyong Jolina sa mga bayan ng San Pascual at Claveria sa Burias Island, Masbate.
Nasa 4,000 indibidwal sa 8 barangay ang nagbigyan ng bigas, noodles, de lata, at tubig.
"Nagpapasalamat po kami na nakapunta dito ang GMA Kapuso Foundation. Ngayon ko lang masasabi na nabigyang pansin din ang aming barangay," pahayg ni Consuelo b. Zaldua, punong barangay.
Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa Operation Bayanihan ang Philippine Army 9th Infantry Division, 2nd Infantry Battalion, at Coca-Cola Philippines.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, at GCash.
Maaari rin mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora, at Mega Mart.
advertisement
advertisement
Comments
comments powered by Disqus