GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa mga anak ng isang OFW | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Hinatiran ng GMA Kapuso Foundation ng grocery packs at iba pang mga gamit ang mga batang walong taon nang hindi nakikita ang kanilang mga magulang.

GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa mga anak ng isang OFW

By MARAH RUIZ

Walong taon nang nawalay sa kanyang mga magulang ang 15-taong gulang na si Princess Abegail Raymundo at kanyang mga kapatid.

Walong taon na rin kasing hiwalay ang kanyang mga magulang. Ang kanyang ina ay nasa Saudi Arabia at nagtatrabaho bilang domestic helper. Ang kanyang ama naman ay may iba nang pamilya.

Sa poder ng kanilang lolo at lola nakatira ngayon sina Princess at kanyang mga kapatid.

Mahirap man ang sitwasyon sa ibang bansa, nakakapagpadala pa rin naman kahit maliit na halaga ang kanilang ina.

"Minsan lang daw po siya nakakakakain. Minsan kanin lang po tapos asin. Minsan po tira tira lang po 'yung binibigay sa kanya," kuwento ni Princess tungkol sa inang OFW.

"Ma, salamat sa pagsasakripisyo diyan sa ibang bansa para sa amin," mensahe ni Princess para sa ina.

Nagbigay din naman ang kanilang inang si Clarence Raymundo ng mensahe para sa mga anak.

"Pansensiya na kayo, mga anak, kapag hindi muna ako makauwi, ha? Kailangan ko munang mag-ipon. Miss na miss ko na kayo, mga anak. Tatandaan niyo, mga anak, na mahal na mahal ko kayo lagi," sambit ni Clarence.

Bilang tulong, naghatid ang GMA Kapuso Foundation sa magkakapatid ng grocery packs at iba pang gamit tulad ng school supplies, payong, kapote, face masks, at tsinelas.

Nakapagtapos si Princess ng elemetarya sa Calassitan Elementary School Santo Niño, Cagayan. Ang kanyang mga kapatid naman ay kabilang sa batch na unang gagamit ng bagong gawang Kapuso Classrooms dito kung sakaling magsimula ang face-to-face classes.

 

Kapuso School Development project

 

Naging katuwang ng GMA Kapuso Foundation ang New Zealand Embassy sa pagpapatayo ng mga Kapuso Classrooms na ito.

"We were impressed by the work that the Foundation is doing in Santo Niño, Cagayan. We recognize the significant contribution of this work to the community and its people, particularly young people. We are honored to support Kapuso School Development Program in Calassitan Elementary School," pahayag ni Peter Kell, New Zealand Ambassador to the Philippines.

"Salamat po sa mga donors at sponsors ng GMA Kapuso Foundation. Salamat din po sa paaralan na pinagawa ninyo," lahad ni Princess.

Sa mga nais mag-abot ng tulong sa GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya at GCash.

Puwede rin mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora at Mega Mart.