GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa mga bangkero sa Pagsanjan, Laguna | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Kabilang ang mga bangkero sa 8,000 indibidwal na hinatiran ng tulong ng GMA Kapuso Foundation sa Pagsanjan, Laguna.

GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa mga bangkero sa Pagsanjan, Laguna

By MARAH RUIZ

Dahil sa pandemya, nahinto ang hanapbuhay ng mga bangkero sa Pagsanjan, ang tourist capital ng Laguna.

Wala na kasing mga turistang bumibisita sa tanyag na Pagsanjan Falls.

 

"Ang lahat siyempre nabigla. Talagang totally, na-paralyze 'yung operasyon ng pagbabangka rito. Talagang 'yung amin pong hanapbuhay nawalan ng saysay," pahayag ni Antonio Javinar, presidente ng United Boatmen Association of Pagsanjan.

Ang ilang sa mga bangkero, napilitang ibenta ang kanilang mga bangka para matustusan ang pangangailangan sa araw araw.

"[Kung] hindi naman po namin siya ibenta, kawawa naman po kami at magugutom ang aming pamilya," lahad ni Alvin Villanueva, isa ring bangkero.

Mahalaga rin ang pagbabangka para sa 40-year-old na si Enrico Abaquin, dahil ito ang naging paraan para mapagtapos niya ng koleihiyo ang mga anak.

"Sana bumalik sa normal para naman sa susunod na mga henerasyon maranasan nila 'yung sarap ng pagiging isang tunay na bangkero," sambit ni Enrico.

Dahil sa hirap ng dinadanas nilang mga bangkero sa Pagsanjan, sumulat si LJ Sanchez sa GMA Kapuso Foundation.

"Nawala ang turista. Wala nang turista dito. Wala nang binabangka. Wala na kaming hanapbuhay dito. 'Yun ang dahilan kaya sumulat ako sa GMA Kapuso Foundation," paliwanag ng bangkero at letter sender na si LJ.

 

GMA Kapuso Foundation

 

Tinugunan naman ng GMA Kapuso Foundation ang kanyang panawagan at naghatid Kapuso grocery packs na may lamang bigas, noodles, seasonings, tinapay, at palaman para sa 8,000 indibidwal sa Pagsanjan, Laguna kabilang ang mga bangkero.

 

"Hindi ko in-expect na [matutugunan] 'yung sulat ko. Marami pong salamat sa mga tumulong sa amin," ani LJ.

"Nagpapasalamat po ako sa Panginoon at sa GMA Kapuso Foundation na talagang tumutulong po talaga sa pangangailangan ng mga taong humihiling sa kanila," pagpapasalamat naman ni Antonio.

Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa Operation Bayanihan ang Philippine Army 2nd Infantry Division, 202nd Infantry Brigade, at Barrio Fiesta Foods.

Samantala, sa mga nais magpaabot ng tulong sa pamamagitan ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, at GCash.

Maari rin mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora at Mega Mart.