GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa Cavite at Antipolo | GMANetwork.com - Foundation - Articles

1,144 indibidwal sa Cavite at Antipolo ang hinatiran ng tulong ng GMA Kapuso Foundation.

GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa Cavite at Antipolo

By MARAH RUIZ

Kabilang ang mga bangkero ng Cavite sa mga nahinto ang trabaho dahil sa pandemic.

Dating masagana ang hanap-buhay dala ng mga turista na dumadayo sa Ternate, Cavite para sa iba't ibang water activities.

 

"Pinakamababa na po, P5,000 to P10,000 weekly. Kumikita 'yung mga tao rito ng P20,000 o P30,000. Minsan umaabot ng P50,000 kung sinuwerte," paggunita ni Jonel Bajande, bangkero at tour guide.

Malaki raw ang kaibahan ng kinikita nila noon kaysa ngayon.

"Ang hirap. Hindi naman [namin] alam kung paano kami mabubuhay. [Ang parte] noon [ay] P4,000 to P5,000 bawat bangkero pero ngayon, suwerte nang mapartehan ng P500, P400, P600, sa isang linggo po 'yun," kuwento ni Jonel.

Buti na lang daw, malapit sila sa dagat at bundok kung saan sila kumukuha ng pang-araw araw na pagkain.

"Nandito naman 'yung dagat. Nagpapasalamat kami na malapit kami. Kahit papaano nakakakuha kami ng pang-ulam," aniya.

"Nagfa-farming kami. 'Yun nga lang, hindi rin namin maibenta 'yung tanim namin, kinakain na lang din namin pero kulang pa rin. Hindi pa rin siya sapat," dagdag niya.

Gayunpaman, patuloy ang pagsisikap ni Jonel sa pag-asang babalik din sa dati ang kanilang trabaho.

"Hindi naman tayo basta basta nagpapatalo eh. Naniniwala naman kami na may katapusan naman 'yan," pahayag niya.

Para matulungan si Jonel at iba pang katulad niya, naghatid ang GMA Kauso Foundation ng Kapuso grocery packs na may lamang bigas, ready-to-eat na pagkain, inuming tubig, at laundry esentials sa 1,144 indibidwal sa Cavite at Antipolo.

 

 

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng Philippine Marine Corps, Multi-M Food Corporation, Barrio Fiesta Foods, Heng Bing, Lucky Me!, at Procter & Gamble sa Operation Bayanihan.

Samantala, sa mga nais magpaabot ng tulong sa pamamagitan ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring mag-deposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya at GCash.

Maari rin mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora, at Mega Mart.