Tulay na ipinapagawa ng GMA Kapuso Foundation sa Aurora, malapit nang matapos | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Malapit nang matapos ang ang tulay na ipinapagawa ng GMA Kapuso Foundation sa barangay Umiray sa Dingalan, Aurora.

Tulay na ipinapagawa ng GMA Kapuso Foundation sa Aurora, malapit nang matapos

Abot-kamay na ang mas ligtas at maayos na tulay para sa mga residente ng barangay Umiray sa Dingalan, Aurora.

Dalawang dekada ang nakalipas, tila sariwa pa sa 49 taong gulang na si Ricardo Bautista ang aksidenteng sumapit habang tumatawid sa ilog mula sa kanilang barangay.

Tuwing umuulan kasi, madulas ang daan at umaapaw din ang tubig sa ilog.

"2001, nangahas po ako na tumawid. Hindi ko naman po sukat akalain na ganoon po 'yung mangyayari sa akin. Gumulong gulong ako," paggunita ni Ricardo sa aksidente.

 

Kapuso Tulay Para sa Kaunlaran project

 


Ang bitbit niyang bagong aning niyog at saging, inagos ng rumaragasang tubig. Nag-iwan din ng marka sa kaliwang tuhod ni Ricardo ang aksidente.

"Bali-baliktad nga po ako. 'Yung peklat ko po dito sa tuhod ko, talagang 'yan po ang bumangga po sa pader, kundi sa bato," kuwento niya

Ang ganitong kalbaryo, mawawakasan na dahil nitong nakaraang Hunyo, sinimulan na ng GMA Kapuso Foundation ang pagpapatayo ng 70-meter long cable-suspended steel hanging bridge sa barangay Umiray sa Dingalan, Aurora.

"Nabuo na 'yung poste. Actually, nasa 3/4s na 'yung nagawa sa poste. Mayroon tayong rampa para doon sa pag-akayat sa ating tulay," paliwanag ni Engineer Ed Eniego, senior project engineer ng GMA Kapuso Foundation.

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng Philippine Army 51st Engineer Brigade, 522nd Engineer Constructions Battalion, PPG Coatings (Philippines), Inc., at Concrete Stone Corporation sa proyekto.


Sa mga nais magpaabot ng tulong para sa ipinapagawang tulat at sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ding magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya at GCash.

Maari din mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora at Mega Mart.