Batang may malaking bukol sa leeg, napa-operahan na ng GMA Kapuso Foundation | GMANetwork.com - Foundation - Articles
Salamat sa tulong ng isang anonymous donor, napa-operahan na ng GMA Kapuso Foundation ang isang limang taong gulang na bata na may malaking bukol sa leeg.
Batang may malaking bukol sa leeg, napa-operahan na ng GMA Kapuso Foundation
August 23 2021
By MARAH RUIZ
Noong nakaraang buwan unang na-feature sa 24 Oras ang kundisyon ni Athena Regaza, ang limang taong gulang na may malaking bukol sa leeg.
Umabot sa programa ang social media post na nananawagan ng tulong para sa bata at agad na ni-refer ito sa GMA Kapuso Foundation.
Isang taon pa lang si Athena nang magsimulang tumubo ang bukol o cervical teratoma sa kanyang leeg.
"[Ito ay] isang tumor na may pinagmulan po doon sa malapit sa leeg niya. Maaring ito pong tumor na ito ay galing malapit sa kanyang cervical spine o malapit po sa vertebra o buto ng leeg," paliwanag ni Dr. Beda Espineda, isang pediatric surgeon.
Isang tao ang nagmagandang loob na tumulong sa gamutan ni Athena matapos mapanood ang feature sa kanya sa 24 Oras. Hiniling ng taong ito na hindi na ipaalam ang kanyang pagkakakilanlan.
August 5 naman nang ma-operahan si Athena sa Philippine Children's Medical Center.
"Pagpasok niya sa OR (operating room), naka-smile pa siya. Pero ako paglabas ko sa OR, hindi na 'ko mapakali," pahayag ni Rigor Regazza, tatay ni Athena.
Umabot ng dalawang oras ang operasyon para matanggal ang halos isang kilong bukol mula sa leeg ni Athena.
May nakaantabay na anesthesioligist na nagsalin sa kanyang ng dugo sa gitna ng operasyon. May nakaabang din na plastic surgeon para ayusin ang kanyang balat.
Ipinasuri din ang tumor para malaman kung cancerous ba ito o hindi.
"Mayroon kaming laboratory [test] na pinagawa sa kanya na tinatawang naming tumor marker. Kay Athena po ay normal naman po, tinatawag naming benign na cervical tertoma," magandang balita ni Dr. Espineda.
Matapos ang ilang linggo, kinumusta ng GMA Kapuso Foundation si Athena at hinatiran ng grocery packs, bag at coloring book.
Unti unti nang naghihilom ang sugat ni Athena at maaliwalas na rin ang kanyang disposisyon.
Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa tulong na hatid nina Dr. Beda Espineda (pediatric surgeon), Dr. Jose Aguilar (neurosurgeon), Dr. Kathryn Nuñez (plastic surgeon), Dr. Kristian Alexis de Lara (fellow surgeon), Dr. Raymond Valerie Soliven (fellow surgeon), Dr. Janette Pascual (anesthesiologist), Dr. Kean Jordan Tolentino (fellow anesthesiologist) at Philippine Children's Medical Center.
Kailangan pa rin ni Athena ng tulong para sa patuloy niyang paggaling.
Sa mga nais magpaabot ng tulong kay Athena at sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ding magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya at GCash.
Maari din mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora at Mega Mart.
Comments
comments powered by Disqus