GMA Kapuso Foundation, patuloy sa paghahatid ng protective supplies sa mga pampublikong ospital
August 17 2021
By MARAH RUIZ
Muling namahagi ng tulong ang GMA Kapuso Foundation sa mga pampublikong ospital sa Metro Manila.
Dito, nakilala ng GMA Kapuso Foundation si Regino Breeding, isang ambulance driver sa Ospital ng Maynila.
September 2020 siya nagsimulang manungkulan dito at iba't ibang mga pasyente na ang inihatid niya sa ospital, kabilang ang mga pasyenteng may COVID-19.
"Lagi po akong nag-aalala dahil ako po ay isang pamilyadong tao, may mga anak po. Mahirap po talaga," pahayag ni Regino tungkol sa kanyang trabaho.
Gayunpaman, magiting niyang ipinagpapatuloy ang panunungkulan bilang isang medical frontliner.
"Ito ang trabaho na aming sinumpaan. Ang iniisip ko po, sana po eh madala po namin sila sa maayos na ospital. Ang ipinagdadasal po namin, sana po makaligtas sila," pahayag niya.
Kabilang si Regino sa mga medical frontliners na makikinabang sa mga protective supplies na hatid ng GMA Kapuso Foundation para sa mga pampublikong ospital sa Metro Manila kabilang ang Ospital ng Malabon, Ospital ng Maynila Medical Center, Sta. Ana Hospital, San Lazaro Hospital, San Juan Medical Center, Pasig City General Hospital, Amang Rodriguez Memorial Medical Center.
Namahagi ng 7,000 pares ng rubber gloves, 1,400 piraso ng PPE hazmat suits, 1,400 piraso ng face shields, 1,400 bote ng alcohol, 7,000 piraso ng KN95 masks para sa bawat ospital.
Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa AFP-JTF NCR, NCPRO RCSP Team, Multi-M Food Corporation, Nacho King, Cosmetique Asia Corporation, Rhea Generics, at Philusa.
Sa mga nais mag-abot ng tulong sa GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa
official website nito.
Maaari ding magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya at GCash.
Maaari din mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora at Mega Mart.
Comments
comments powered by Disqus