Batang may kakaibang sakit sa balat, tuluyan nang gumaling sa tulong ng GMA Kapuso Foundation | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Sinubaybayan ng GMA Kapuso Foundation ang kondisyon ni Francis Mendoza, isang batang may kakaibang sakit sa balat.

Batang may kakaibang sakit sa balat, tuluyan nang gumaling sa tulong ng GMA Kapuso Foundation

By MARAH RUIZ

Sanggol pa lamang si Francis Mendoza noong unang dumulog sa GMA Kapuso Foundation noong 2005 dahil sa kakaiba niyang sakit sa balat.

Puno ng sugat at paltos ang mukha at ulo niya noon.

 

"Lumapit po kami sa GMA Kapuso Foundation. Nandoon po si ma'am Mel Tiangco. Inasikaso po agad kami," paggunita ni Cheryl Mendoza, ina ni Francis.

Personal na tumawag sa ospital noon si GMA Kapuso Foundation founder and ambassador Mel Tiangco para ma-admit sa ospital si Francis.

Sinubaybayan din ng GMA Kapuso Foundation ang kalagayan niya katuwang ang dermatologist na Dr. Grace Carole Beltran.

"This is a rare skin disease. Kapag may epidermolysis bullosa ka, fragile 'yung skin. Kailangan well hydrated," paliwanag ni Dr. Grace tungkol sa kondisyon ni Francis.

Sa tulong niya at ng mga donors, tuluyan nang gumaling si Francis noong siya ay pitong taong gulang. Ngayon, 16 years old na si Francis.

 

 

"Pangarap ko pong maging isang chef po. 'Yung GMA Kapuso Foundation po, tinutulungan po nila ko," pahayag niya.

Muling bumistia kay Francis, ang GMA Kapuso Foundation at naghandong sa kanya ng Kapuso grocery packs para sa buong pamilya. May school supplies, mga sapatos, cap, at baseketball pa para sa kanya.

Nagbigay rin si Dr. Grace ng lotion at sabon para sa patuloy pag-aalaga sa kanyang balat.

"Kay Tita Mel, salamat po sa mabuting puso," mensahe ni Francis.

Buong pamilya naman ang bumati kay Tita Mel na nagdiwang ng kanyang kaarawan noong August 10.

Ilan pang mga natulungan ni Tita Mel at ng GMA Kapuso Foundation ang nagpa-abot ng birthday greetings para sa kanya.

"Isa po kayo sa pinakamagaling na news anchors. Sana humaba pa po ang inyong buhay po," bahagi ni Roildan Clores, binatang may corneal dystrophy.

"Happy birthday po! Salamat po sa lahat ng tulong niyo. Isa na po ako sa survivor ngayon," pahayag naman ni Markhen Gabuyan, Kapuso Cancer Champion beneficiary.

Patuloy ang pagtulong ng GMA Kapuso Foundation sa mga nangangailangan kaya sa mga nais mag-abot ng tulong sa mga pasyenteng inaalagan sa ilaim ng proyektong Bisig-Bayan, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, at GCash.

Maari rin mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora at Mega Mart.