GMA Kapuso Foundation, ipinasuri ang isang batang namamaga ang dila | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Inilapit ng isang concerned citizen sa GMA Kapuso Foundation ang isang bata na ilang taon nang hirap dahil sa paglaki ng kanyang dila.

GMA Kapuso Foundation, ipinasuri ang isang batang namamaga ang dila

By MARAH RUIZ

Inilapit ng isang concerned citizen sa GMA Kapuso Foundation ang isang bata na ilang taong nang hirap dahil sa paglaki ng kanyang dila.

Agad na tumugon ang GMA Kapuso Foundation para mag-abot ng tulong at ipasuri sa doktor ang anim na taong gulang na si Jay-R Almazan ng Quezon, Isabela.

"Bago po siya nag-isang taon, lumabas na po 'yung bukol niya. Unti unti na po siyang lumaki," kuwento ng ina niyang si Edralyn.

"Chineck up po 'yung anak namin. Hindi na po naibalik sa PGH kasi po wala na kaming pinasiyal," paliwanag naman ng ama niyang si Leonardo.

Bunso si Jay-R sa limang magkakapatid kaya spoiled siya sa kanyang mga ate.

"Awang awa po kami kapag may nagsabi na po sa kanya na 'Ay, malaki 'yung dila mo!' Siyempre masakit naman pong pakinggan 'yun," pahayag ni Ginalyn, isa sa mga kapatid ni Jay-R.

Sa kabila ng kundisyon, masigla at maganang kumain si Jay-R. Hirap lang sa siya pagsubo, pagkain at pag-inom. Hindi din siya nakakapag sipilyo kaya hinihugasan ng kanyang nanay ang dila niya.

 

GMA Kapuso Foundation

 


Ipinasuri ng GMA Kapuso Foundation si Jay-R at ipina-CT scan din.

"Nakita natin ang tinatawag an Hemangiolymphangioma. Ito ay benign naman. Hindi naman po hereditary. Mayroon tayong mga preliminary lab exams na pwedeng gawin bago siya masalang sa operasyon," lahad ni Dr. Gil Vicente, ENT at head and neck surgeon.

Bukod sa pagpapasuri kay Jay-R, nag-abot din ang GMA Kapuso Foundation ng grocery packs para sa buong pamilya.

Dumudulog ang GMA Kapuso Foundation ng inyong tulong at donasyon para maipatuloy ang pagpapagamot kay Jay-R.

Sa mga nais tumulong kay Jay-R at sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ding magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya at GCash.

Maari din mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora at Mega Mart.