August 03 2021
Pagyabong ng kalikasan at kaalaman sa kahandaan ang mga layunin ng Kapuso ng Kalikasan project ng GMA Kapuso Foundation.
Kaya nagsagawa ng tree-planting ang GMA Kapuso Foundation sa Virac at Panganiban sa Catanduanes.
Matatandaan hindi lang mga bahay kundi pati mga puno na proteksiyon sana tuwing may kalamidad ang pinabagsak ng bagyong Rolly noong tumama ito sa probinsya noong Nobyembre 2020.
Isa sa mga apektadong residente si Cheryl Arador na taga Virac. Nawasak ang kanyang bahay at namatay ang kanyang mga pananim.
Pero nagsikap siyang bumangon at muling nagtanim para may pagkakitaan. Ito daw kasi ang bilin ng kanyang lola.
"Magtanim kayo nang magtanim. Kung hindi kayo ang makinabang, 'yung susunod na henerasyon n'yo," paggunita ni Cheryl sa payo na bigay ng kanyang lola.
Sa katunayan, ang mga tinanim ng kanyang lola noon, si Cheryl na ang umaani.
Para matulungan si Cheryl at iba pang katulad niya, nagsagawa ang GMA Kapuso Foundation ng tree-planting project kung saan naturuan din ang mga residente ng tamang pagtatanim.
302 seedlings ng native at fruit-bearing trees ang naitanim sa Panganiban at Virac, Catanduanes sa ilalim ng Kapuso ng Kalikasan project.
220 dito ay narra, 15 ay lanzones, 15 ay guyabano, 15 ay sampalok, 22 ay pili, 9 ay rambutan, at 6 ay atis na pakikinabangan ng 1,800 residente.
"Several years from now, mayroon nang mga prutas. Mayroon na rin silang mga timber na puwede ring ma-utilize," pahayag ni Shiela Conche, information officer ng PENRO Catanduanes.
Mahalaga din daw ang mga puno tuwing may kalamidad.
"Ang mga puno ay nagko-control sa soil erosion, sa pagbaha," paliwanag naman ni Juliet Arajo, chief ng management services division ng PENRO Catanduanes.
Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa sa proyekto ng Bureau of Plant and Management Industry-Manila, DENR PENRO-Catanduanes, at Catanduanes 1st Provincial Force Company.
Sa mga nais tumulong sa Kapuso ng Kalikasan project at sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maaari ding magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, at GCash.
Maaari din mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora, at Mega Mart.
advertisement
advertisement
Comments
comments powered by Disqus