July 21 2021
Nanawagan sa social media si Karizza Manota para sa kanyang limang taong gulang na anak na si Athena Regaza na may malaking bukol sa leeg.
Napansin ng GMA News ang panawagan niya at agad itong inilapit sa GMA Kapuso Foundation na agad namang tumugon at nagbigay ng tulong sa bata.
"Napansin po namin 'yung bukol ni Athena noong magwa-one year and eight months na po siya. Habang lumalaki si Athena, lumalaki din po 'yung bukol niya," kuwento ni Karizza.
Taga Calbayog, Samar sina Athena at napatingnan na siya noon sa isang pediatric surgeon sa Tacloban.
"Sabi po ng doctor na hindi daw po nila kaya kasi nga po 'yung bukol daw po nya, ang pinagmumulan nasa spinal cord po. Hindi daw po kaya na doon operahan kasi daw kulang po sila sa gamit," lahat ni Karizza.
Dahil dito, nakipagsapalaran ang kanilang pamilya sa Maynila noong 2020 para maipagamot si Athena.
Isang hamon naman ang sumalubong sa kanila dahil dito na sila naabutan dito ng lockdown. Hirap makahanap ng permanenteng trabaho ang mga magulang ni Athena.
"Naranasan po namin hindi kumain sa isang araw. Binigiyan kami ng mga kapitbahay. 'Yan ang hirap po, sobra," paggunita ni Karizza.
Binisita ng GMA Kapuso Foundation si Athena at naghatid ng grocery packs para sa kanyang pamilya. Pina check up din siya sa mga pediactric surgeons na sina Dr. Beda Espineda at Dr. Lester Suntay.
"Bihira kaming makakita [ng ganyang kaso] kasi karamihan ng nakikita naming cystic hygroma—'yung mga cyst po karamihan niyan sa leeg—malalambot. Itong kay Athena po, hindi eh. Solid at matigas, hindi po siya ordinary na teratoma," paliwanag ni Dr. Pineda sa kundisyon ng bata.
Patuloy namang nananawagan si Athena at kanyang pamilya para sa tulong.
"Gusto ko na pong matanggal 'yung bukol ko para makauwi na 'ko sa Samar," pahayag ni Athena.
Sa mga nais magpaabot ng tulong kay Athena at sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maaari ding magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, at GCash.
MaAari din mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora, at Mega Mart.
advertisement
advertisement
Comments
comments powered by Disqus