July 19 2021
Tatlong taong gulang pa lang si Reign Maglipac pero mabigat na ang dinadala niyang problema.
Ipinanganak kasi siyang walang butas sa puwet kaya may problema siya sa pagdumi. Agad napansin ng kanyang inang si Inemmer ang kundisyon ng bata, isang araw matapos niyang ipanganak.
"Nilinisan po siya ng mama ko noon. Doon po nakita na wala po talaga siyang butas sa puwet," pahayag ni Inemmer.
Ipinaliwanag naman ng pediatric surgeon na si Dr. Lester Suntay ang kundiyson ni Reign kung saan abnormal ang lokasyon ng labasan ng dumi niya.
"May mga ibang baby, ipinanganak na walang butas sa puwet, isa. Pangalawa, 'yung labasan ng poopoo ay maliit o makipot o kaya wala sa tamang pwesto," aniya.
Sa ngayon, naka temporary colostomy si Reign. Binutasan ang kanyang bituka para magkaroon ng daan ang kanyang dumi papalabas sa tiyan.
Dahil sa hirap ng buhay, plastic ng yelo, napkin at tape ang ginagamit niya bilang do-it-yourself na colostomy bag. Problema din ng pamilya ang gastusin sa susunod pa niyang mga operasyon.
"Mga isang taon po, puwede na siyang butasan sa puwet," pahayag ni Inemmer.
Ipinaliwag naman ni Dr. Suntay ang procedure na gagawin sa bata.
"Hinahanap namin 'yung pinaka dulo ng bituka. Gumagawa kami ng bagong butas para makalabas 'yung dumi," lahad niya.
Isa si Reign sa mga batang tutulungan ng GMA Kapuso Foundation katuwang ang World Surgical Foundation, isang organisasyon na nagpapa-opera ng mga nangangailangan sa buong mundo.
Ang partnership na ito ay bahagi ng Give A Gift surgical outreach ng GMA Kapuso Foundation.
Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakiki-isa ng sa proyekto ng World Surgical Foundation Philippines volunteer doctors, Dr. Lester Suntay at Dr. Henry da Roza; Our Lady of Peace Hospital, Parañaque, Office of the President Malacañang, Volunteer nurses of ORNAP Nurse Bert Santiago; Dr. Jeunesse Lee; Dr. Jack Echaus; at Dr. Michelle Anievas.
Nakatakdang operahan si Reign ngayong buwan pero nakitaaan siya ng impeksiyon sa dugo na kailangan munang gamutin.
Sa mga nais magpaabot ng tulong kay Reign at sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ding magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya at GCash.
Maari din mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora at Mega Mart.
advertisement
advertisement
Comments
comments powered by Disqus