GMA Kapuso Foundation, bumalik sa Batangas para sa second wave ng tulong para sa Taal evacuees | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Tumungo ang GMA Kapuso Foundation sa Agoncillo at Nasugbu sa Batangas para sa ikalawang bugso ng tulong para sa mga naapekuthan ng pag-aalburoto ng Bulkang Taal.

GMA Kapuso Foundation, bumalik sa Batangas para sa second wave ng tulong para sa Taal evacuees

By MARAH RUIZ

Muling nagtungo ang GMA Kapuso Foundation sa Batangas para sa ikalawang bugso ng Operation Bayanihan para sa mga apektado ng volcanic activity ng Buklang Taal.

Sa kabuuan, 1,716 indibidwal ang naharitan ng tulong ng GMA Kapuso Foundation--1,396 sa Agoncillo at 320 sa Nasugbu.

 

Naghandong ang GMA Kapuso Foundation ng Kapuso grocery packs, lugaw kit, inuming tubig, tinapay, N95 masks, at face shields.

Kabilang sa mga natulungan ang 49-year-old na si Nesty Mendoza.

"Minsan natutulog ka, sisilip ka muna doon sa bulkan kung nausok kaya. Nakita n'yo, usok, papasok ako sa loob. Maghahanda ako ng damit," kuwento niya.

Naapektuhan din ng pag-aalburoto ng bulkan noong Enero 2020 ang kanilang kabuhayan.

"Natapon po lahat ang aming isda. Ubos 'yun," paggunita ni Nesty.

Labis din ang takot ng pamilya ng mangingisdang si Eliceo "Buboy" Ondoy kaya lumikas sila kaagad.

"Alas kuwatro, bilang umusok sa bulkan. Ang kapal, itim, tapos mayamaya puti," lahad niya.

Kabilang sila sa mga natulungan ng GMA Kapuso Foundation sa Batangas.

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng Juju and Jujuku, Jollibee Group, Philippine Airforce 732nd Combat Squadron, AFP JTF NCR and JTF Taal sa operasyon.

Lubos din ang pasasalamat ng GMA Kapuso Foundation sa St. Theresa's College Quezon City Alumnae Association, sa pangunguna ni former health secretary Dr. Chit Reodica, sa mahigit 1,000 pirasong kumot na donasyon nila.

 

 

Sa mga nais magpaabot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, at GCash.

Maari rin mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora at Mega Mart.