July 12 2021
Premature nang isinilang ni Farhanah Bustamin ang kanyang anak ni Farisha.
Walong buwan lang ang nilagi nito sa kanyang sinapupunan at lumabas nang 1.3 kilos lang ang timbang. Payat, maliit ang panga at namamaga ang gilid ng mga mata ni Farisha.
"Noong una po, oo, inamin ko, nahihiya ako. Pero pagkalaunan natanggap ko kasi sabi ko ito naman 'yung bigay ng Allah sa amin," pahayag ni Farhanah.
Nagbigay din ng babala ang doktor noon sa kalagayan ng bata.
"Tiningnan naman sa ultrasound, okay naman 'yung utak niya at lahat normal naman. Sinabi noong pediatrician niya noong una, baka hindi daw siya aabot ng three months," paliwanag ni Farhanah tungkol sa kundisyon ng anak.
Two years old na si Farisha ngayon pero hirap pa rin maglakad at magsalita.
"Nahihirapan siya talaga kumain ng maayos. Kailangan siyang matulungan para mag-gain siya ng weight. Maliit 'yung jaw niya. Kailangan po siyang mag undergo ng physical therapy para makalakad siya. May magagawa din po ang speech therapy," payo ni Dr. Joselyn Eusebio, developmental and behaviorial pediatrician.
Ngayong National Disability Awareness Month, naghandog ang GMA Kapuso Foundation ng bagong stroller, playmats at grocery packs para sa 10 batang may kapansanan sa Marantao, Lanao del Sur, kabilang na si Farisha.
Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa Francis M Clothing, Giant Carrier, Philippine Army 2nd Mechanized Infantry Brigade (Magbalantay) and 103rd Brigade, 51st Infantry Battalion, at JTG Haribon sa pakikiisa nila sa proyekto.
Samantala, nangangailangan si Farisha ng gatas at vitamins para bumuti ang kanyang nutrisyon at madagdagan ang kanayng timbang. Dadalhin din siya ng GMA Kapuso Foundation sa Cagayan de Oro para lubusang masuri ang kanyang kundisyon.
"Hanggang sa paglaki niya, ilaban po namin siya," sambit ni Farhanah tungkol sa anak.
Sa mga nais magpaabot ng tulong kay Farisha at sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ding magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya at GCash.
Maari din mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora at Mega Mart.
advertisement
advertisement
Comments
comments powered by Disqus