GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa 1,255 taong apektado ng Bulkang Taal | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Naghatid ng groceries, N95 masks, face shields at lugaw with egg ang GMA Kapuso Foundation para sa 1,255 evacuees sa Batangas.

GMA Kapuso Foundation, naghatid ng tulong sa 1,255 taong apektado ng Bulkang Taal

By MARAH RUIZ

Sa gitna ng pandemyang hinaharap, muling nag-alburoto ang Bulkang Taal kaya agad na pinalikas ang mga residente sa mga lugar na malapit dito.

Agad na umaksiyon ang GMA Kapuso Foundation para maghatid ng tulong sa mga naapektuhan ng volcanic activity.

Ang 64-year old na si nanay Merly Miranda, ginunita kung paano nilamon ng abo ang kanilang bahay noong huling nag-alburoto ang Taal noong Enero 2020.

 

 



"Wala na. Sadyang nabaon na sa putik. Natabunan na ng lupa, hindi na matitirahan," aniya.

Tila bumalik ang dating takot sa muling paggising ng bulkan ngayon.

"Natatakot [kami] na mangyari na naman ang nangyari noong nakaraan. Kaya palaging panalangin na lang na sana ay matahimik na ito," pahayag ni Merly.

Kasama ang kanyang 4 anak at 8 apo, isang oras silang naglakad para makaligtas.

"Umakyat kami ng bundok. Mahirap talaga. Naglakad kami. Akay ko 'yun apat na taon, akay ko pababa," kuwento niya.

Namamalagi sila ng kanyang pamilya sa isang covered court sa Agoncillo, Batangas.

Isa si nanay Merly sa 1,255 indibidwal na natulungan ng GMA Kapuso Foundation sa Batangas.

152 indibidwal sa Agoncillo, 895 sa Laurel at 208 sa Balate ang nabigyan ng Kapuso grocery packs, N95 masks at face shields.

Nagdala din ang GMA Kapuso Foundation ng ready-to-cook lugaw kit na may kapares na itlog para sa mga evacuees.

Katuwang sa pamamahagi at pagpapatupad ng health protocols ang Philippine Army 2ID at 202IBDE, Philippine Airforce 732nd Combat Squadron, Task Force Taal, at JTF-NCR.

Nagpapasalamat naman ang GMA Kapuso Foundation sa pakiisa sa Operation Bayanihan ng Isuzu Philippines, Gardenia Bakeries Philippines Inc., Cater King Corporation, Philippine ECG Board Association-Jemcy Enterprises, CDO Odyssey Foundation, The North Face, Ajinomoto Philippines Corporation.

Sa mga nais magpaabot ng tulong sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ding magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya at GCash.

Maaari din mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora at Mega Mart.