Tulay na ipinagawa ng GMA Kapuso Foundation, nagpaginhawa sa buhay ng isang bayan sa Misamis Oriental | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Malaking tulong ang naihatid ng tulay ng ipinagawa ng GMA Kapuso Foundation sa bayan ng Naawan, Misamis Oriental.

Tulay na ipinagawa ng GMA Kapuso Foundation, nagpaginhawa sa buhay ng isang bayan sa Misamis Oriental

By MARAH RUIZ

Nobyembre noong taong 2019 nang maipatayo ng GMA Kapuso Foundation ang isang bago at matibay na tulay sa bayan ng Naawan, Misamis Oriental.

Sa muling pagbisita dito ng GMA Kapuso Foundation, batid ang pagginhawa ng buhay at paglago ng kabuhayan ng mga residente dito.

 

 


Ang mga panindang saging ni Herculine Seriño, nasasayang noon dahil hindi madala sa pagbebentahan.

"'Pag [may] baha tapos hindi kami makatawid, sayang ang saging na hindi namin madala sa palengke. [Ibibigay] na lang namin sa baboy," kuwento niya.

Bukod sa nabubulok na produkto, may mga naaksidente naman kapag dumadaan sa dating tulay ng bayan.

Isa na riyan ang anak ng mag-uuling na si Evelyn Bebita. Muntik daw kasing mahulog sa ilog ang kanyang anak noon.

"Nadulas po siya noon kasi 'yung sahig noong luma naming tulay, kahoy lang tapos bulok na po siya. Doon po siya nakaapak sa bulok kaya nadulas po 'yung paa niya. Buti po hindi siya nalaglag," paggunita niya.

Mahigit 10 taon tiniis ng bayan ng Naawan sa Misamis Oriental ang kanilang lumang tulay.

Natapos ang takot at kalbaryo ng mga residente noong November 2019.

Nakapagpatayo kasi ang GMA Kapuso Foundation, sa pakikipatulungan ng Rotary Club of Araneta, Quezon City, ng mas matibay na tulay na bakal.

Pinagdurugtong ng tulay ang bayan ng Naawan at Manticao sa Misamis Oriental.

"Dati po, 'yung luma naming tulay, naabot po talaga 'yun ng baha. Ngayon po, hindi na po talaga. Lubos po talaga kaming nagpapasalamat sa GMA," pahayag ni Evelyn.

Lumago naman ang kabuhaya ni Herculine. Ang dating P450 kada linggo sa pagbebenta ng saging, ngayon umabot na sa P1,200.

"'Yung mga produkto namin, hindi na masasayang," aniya.

Ngayong taon, nagpapagawa ng isa pang tulay ang GMA Kapuso Foundation para naman sa bayan ng Dingalan, Aurora.

Sa mga nais tumulong sa pagpapagawa nito at maging sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ding magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya at GCash.

Maari din mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora at Mega Mart.