Tatay na benepisyaryo ng Bike for Good ng GMA Kapuso Foundation, napalago na ang negosyo | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Unti-unti nang nakakabangon ang isang tatay na naging benepisyaryo ng Bike For Good livelihood program ng GMA Kapuso Foundation.

Tatay na benepisyaryo ng Bike for Good ng GMA Kapuso Foundation, napalago na ang negosyo

By MARAH RUIZ

Kahit sa gitna ng pandemya, napalago ni Federico Calma ng Bagong Silangan, Quezon City ang kanyang munting negosyo.

Isa siya sa 30 tao na nasalanta ng bagyong Ulysses sa NCR na napiling maging benepisyaryo ng Bike For Good livelihood program.

Nabiyudo noong 2019 si Federico at mag-isa na lang niyang itinataguyod ang kanyang pitong anak. Tatlo sa mga ito ay ay anak ng kanyang namayapang misis sa unang asawa.

 

 

"Nagsama-sama po kami. 'Yung tatlo niyang anak, kinupkop ko na rin po," pahayag ni Federico.

Dahil dito, todo kayod siya sa pagtatrabaho.

"Sa pagtitinda ko po, nandiyan po 'yung alas cinco hanggang alas dies para makapagluto ng tanghalian namin. Mga ala una naman po, nandiyan naman po 'yung bantayan ko 'yung dalawang kambal," bahagi niya.

Kaya naman mula sa panimulang puhunan na 60 pirasong tinapay, umakyat na sa 200 tinapay ang kaya niyang ibenta kada linggo. Mahigit PhP25,000 ang naging kabuuang kita niya dito.

"Maraming salamat po para mabigyan ko ng magandang buhay ang pamilya ko," lahad ni Federico.

 

December 2020 nang ilunsad ang Bike for Good, isang livelihood program ng GMA Kapuso Foundation, Universal Robina Corporation, at Baker John.

Nakatanggap ng bisikleta at panindang tinapay para makapagsimula ng munting negosyo ang mga napiling beneficiaries.

Sa mga nais tumulong sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ding magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, GCash, at MegaMart.