GMA Kapuso Foundation, tumulong sa isang batang may clubfoot
June 14 2021
By MARAH RUIZ
Ayon sa Philippine Band of Mercy, isa sa 800 na mga sanggol na ipinapanganak bawat taon ay may clubfoot.
Isa itong kundisyon kung saan baliko at magkaharap ang mga paa ng isang bata.
Ipinanganak na may clubfoot ang dalawang taong gulang na si Prince Nathaniel Elpa na mula sa Lipa, Batangas.
Hinala ng kanyang nanay na si Irish, dahil ito sa pinaglihiian niyang paa ng manok.
"Noong ako po ay naglilihi, nakatingin po ako sa paa ng manok pero hindi ko po siya kinakain," paliwanag ni Irish.
Dahil baliko ang mga paa ni Prince Nathaniel, hindi ito makapagsuot ng sapatos o tsinelas.
"Ang sabi po sa akin, kailangan daw po ay ipasadya (ang footwear). Medyas lang po na anim na piraso ang kanyang ginagamit," bahagi ni Irish.
Para maagapan ang kundisyon, sinimento na ang mga paa ni Prince Nathaniel noong siya ay dalawang buwan pa lamang. Pero hindi naipagpatuloy ang gamutan ng bata dahil sa kakapusan sa pangggastos.
Sa tulong ng GMA Kapuso Foundation, naipakunsulta ni Irish ang kundisyon ng anak kay Dr. Rosalyn Flores, isang pediatric orthopedic surgeon ng Philippine Band of Mercy.
"Ang clubfoot ay isang congenital na kundisyon. Hindi nagkakaroon ng clubfoot dahil pinaglihi ang sanggol sa mga certain na pagkain, hayop, o bagay. Ang idiopathic na clubfoot ay kadalasang namamana," paliwanag ni Dr. Flores tungkol sa kundisyon ni Prince Nathaniel.
Ipinaliwanag din niya kung paano maisasaayos ang mga balikong paa ng bata.
"Ang una ay pagsesemento. Ang pangalawang stage ay tinatawag na tenotomy kung saan pinuputol ang Achilles tendon sa likod ng paa. Kinakailangan magsuot ng espesyal na brace para mapanatiling nakatuwid ang paa," aniya.
Nanawagan naman si Irish ng tulong para sa kanyang anak.
"'Yung may mabubuting kalooban po diyan na handang tumulong, sana po matulungan n'yo po 'yung anak ko," sambit niya.
Bukod sa pagpapakunsulta sa doktor, inabutan din ng GMA Kapuso Foundation ng groceyy packs ang pamilya ni Irish at Prince Nathaniel bilang tulong.
Sa mga nais tumulong, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website ng GMA Kapuso Foundation.
Maari ding mag-donate gamit ang Cebuana Lhuillier at Zalora.
Comments
comments powered by Disqus