June 10 2021
Opisyal nang sinimulan ng GMA Kapuso Foundation ang pagpapagawa ng tulay para sa barangay Umiray sa Dingalan, Aurora.
Nasa PhP 29M ang pinsalang inabot ng Dingalan noong tumama dito ang bagyong Ulysses noong nakaraang taon.
Isa sa mga nasirang istruktura ang hanging bridge na nag-uugnay sa Barangay Umiray at Purok Malakawayan.
Bago pa man ito, hirap na ang mga residente na magdala ng kanilang produkto sa ibang bayan. Hirap din ang mga bata sa pagpasok sa eskuwelahan. Madulas kasi ang daan at umaapaw ang tubig kapag tag-ulan.
"Minsan po, dahil sobrang lakas po ng sapa, noong agos po ng tubig, naglalagay po sila ng lubid. Doon po kami kumakapit para makatawid po kami," kuwento ng residenteng si Arjay Repil.
Sa pagsisimula ng konstruksiyon ng 70-meter long cable suspended steel hanging bridge sa Barangay Umiray, agad nag-alok ng tulong ang mga residente dito.
"Puwede po akong magbuhat ng bakal o bato depende po sa ano puwedeng itulong," pahayag ni Emmanuel Cabate.
"Marami kaming mga anak na lalaki, handa po kaming sumuporta," sambit naman ni Agnes Ruiz.
Ikinatuwa naman ito ni Engineer Ed Eniego, senior project specialist GMA Kapuso Foundation.
"Ang barangay, 'yan ang unang makakatulong sa atin—paghahakot ng materyales, pagbubuhos ng pundasyon, at sa iba't ibang parte ng trabaho," pahayag niya.
Kabilang din sa bayanihang ito ang mga sundalo.
"Itong tulay na ito ay isang magbibigay daan para magkaroon ng tunay na kapayapaan at tuloy-tuloy na pag-unlad nitong barangay na ito," lahad ni Lt. Gen. Arnulfo Marcelo B. Burgos, commander ng Northern Luzon Command.
Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakiisa ng AFP-NOLCOM at Philippine Army 7ID sa proyekto.
Sa mga nais tumulong sa pagpapatayo ng tulay, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website ng GMA Kapuso Foundation.
Maaari ding mag-donate gamit ang PayMaya at Shopee.
advertisement
advertisement
Comments
comments powered by Disqus