GMA Kapuso Foundation, magpapatayo ng tulay para sa isang barangay sa Aurora | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Isang tulay ang ipatatayo ng GMA Kapuso Foundation para sa mga residente ng Brgy. Umiray sa Dingalan, Aurora.

GMA Kapuso Foundation, magpapatayo ng tulay para sa isang barangay sa Aurora

By MARAH RUIZ

Bilang bahagi ng Kapuso Tulay Para sa Kaunlaran project, magpapatayo ng isang tulay ang GMA Kapuso Foundation sa Brgy. Umiray sa Dingalan, Aurora.

 

Isa sa mga residente ng barangay si Aida Salazar na lumulusong sa peligrosong ilog at naglalakad ng mahigit dalawang kilometro bitbit ang mga tinda niyang buko at niyog.

Kapag may malakas na ulan sa lugar, tumaataas ang tubig sa ilog.

"Pagka baha po, hindi na po kami nakakatawid," pahayag ni Aida.

Taong 2011 noong nagkaroon ng hanging bridge na naguugnay ng Brgy. Umiray, Dingalan, Aurora sa General Nacar, Quezon pero nasira ito wala pa ang isang taon.

"Marami pong mga produkto dito nagkakabulukan," paliwanag naman ni Juanito Borreo, barangay captain ng Umiray.

Para matulungan ang mga residente dito, sisimulan na ng GMA Kapuso Foundation, katuwang ang mga partners at sponsors, ang pagpapatayo ng tulay sa ilalim ng Kapuso Tulay Para sa Kaunlaran project.

Isang 70-meter long, cable-suspended steel hanging bridge ang pinaplano para dito.

 

Kapuso Tulay Para sa Kaunlaran project

 

"Iga-galvanize natin 'yung ating steel deck para siguradong hindi siya kakalawangin at tatagal 'yung ating tulay," pahayag ni Engineer Ed Eniego, senior project engineer ng GMA Kapuso Foundation.

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng AFP-NOLCOM, Philippine Army 7ID, PPG Coatings (Philippines)  Inc., Concrete Stone Corporation, at Xalora Philippines sa proyekto.

Ngayong Oktubre nakatakdang matapos ang tulay, na ika-anim na proyektong matatapos sa ilalim ng Kapuso Tulay Para sa Kaunlaran.

Sa mga nais tumulong sa pagpapatayo ng tulay, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website ng GMA Kapuso Foundation.

Maaari ring mag-donate gamit ang GCash at Mega Mart.