GMA Kapuso Foundation, ipinasuri ang magkapatid na may bukol sa leeg | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Ipinasuri ng GMA Kapuso Foundation ang dalawang magkapatid mula sa Antipolo na iniinda ang bukol sa kanilang leeg.

GMA Kapuso Foundation, ipinasuri ang magkapatid na may bukol sa leeg

By MARAH RUIZ

Taong 2015 pa lang, tinutulugan na ng GMA Kapuso Foundation ang magkapatid na Esto, na parehong may bukol sa kanilang mga leeg.



Kahit may pandemya, tuloy lang ang hatid na tulong sa magkapatid tulad ng gamot, check up at iba pang medical procedures. Hinatiran din sila ng GMA Kapuso Foundation ng grocery packs para sa kanilang pamilya.

Ang nakatatandang kapatid na si Elma, mahigit dalawang dekada nang iniinda ang bukol sa leeg. Gayunpaman, pilit niyang ginagampanan ang pagiging ina sa kanyang mga anak.

 

 

"Hindi na po ako mamakilos nang maayos. 'Pag natutulog po ako, para akong nalulunod," pahayag ni Elma tungkol sa kanyang kundisyon.

Matagal na ring tinitiis ng kanyang nakababatang kapatid na si Cassandra ang bukol sa kanyang leeg.

"Pinapasa-Diyos ko na lang na sana may tumulong sa amin," sambit ni Elma.

Binista ng GMA Kapuso Foundation ang magkapatid noong Abril at salamat sa inyong suporta, naipagpatuloy ang pagbigay ng tulong sa kanila.

Nitong Mayo, ipinasuri muli sila ng GMA Kapuso Foundation kay Dr. Gil Vicente, isang ENT specialist at head and neck surgeon.

"Si Elma, isang kaso ng thyroid cancer kaya nagkakaroon tayo ng pamamaos. 'Yung isang kapatid naman, mukhang mayroon siyang tinatawag na hyperthyroidism," bahagi ni Dr. Vicente sa kundisyon ng magkapatid.

Ibinahagi rin niya ang ilang maaaring sanhi ng ganitong sakit.

"Puwede sa kinakain natin, pure environmental nating irritants. Bigla na lang tutubo 'yan, magkaroon lang na pagbabago ang mga cells natin. Puwedeng herditary 'to na luambas sa kanilang henerasyon," paliwanag niya.

Rekomendasyon ni Dr. Vicente na dapat ay agad ma-operahan si Elma, habang dapat naman daw ipagpatuloy ang gamutan kay Cassandra.

"Kay Dr. Gil, nagpapaslamat po ako dahil sa pag check up niya sa aming dalawang magkapatid," mensahe ni Elma sa doktor.

Kailangan ng magkapatid ng ating tulong kaya sa mga nais mag-abot ng tulong para sa kanila at sa iba pang mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, at GCash.

Maari rin mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee, Zalora, at Mega Mart.