GMA Kapuso Foundation, nag-abot ng tulong sa mga nasunugan sa Maynila
May 31 2021
By MARAH RUIZ
Nito lamang May 26, 500 bahay sa Port Area, Manila ang nilamon ng sunog.
Kabilang sa mga nasunugan ang pamlya ni Amerah Macamlimpao Anggay. Nakipagsapalaran sila sa Maynila matapos ang naging kaguluhan sa Marawi City. Nasunog ang inuupahan nilang bahay.
"Nakita ko 'yung malaking apoy, mas mataas pa sa bahay namin," kuwento ni Amerah.
Bago pa man isipin ang mga maisasalbang gamit, inuna muna ni Amerah ang kaligtasan ng kanyang anak.
"Okay lang kung mawala 'yung gamit basta 'yung buhay masalba natin," aniya.
Mahigit 1,000 libong pamilya ang naapektuhan ng sunog. Pansamantala silang naninirahan sa lansangan dahil nahihirapan ang barangay na hanapan sila ng masisilungan.
Agad namang naghatid ang tulong ng GMA Kapuso Foundation katuwang ang Armed Forces of the Philippines sa kanila.
4,800 na nasunugan ang nakatanggap ng Kapuso fully-loaded grocery packs na may lamang tubig, bigas, delata, noodles, diapers at hygiene kits.
"Maraming maraming salamat po sa GMA Kapuso Foundation po," pahayag ni Amerah.
Nagpapasalamat naman ang GMA Kapuso Foundation sa JTF-NCR, Francis M Clothing, Coca-cola Beverages Company at Payless sa pakikiisa nila sa proyekto.
Patuloy na humingi ng suporta ang GMA Kapuso Foundation para sa Operation Bayahihan para agad makapag-abot ng tulong sa panahon ng sakuna--bagyo, baha, lindol o sunog man.
Sa mga nais mag-abot ng tulong para sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ding magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya at G-Cash.
Maari rin tumulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa Shopee, Zalora at Mega Mart.
Comments
comments powered by Disqus