GMA Kapuso Foundation, naipa-opera na ang anak ng OFW na na-aksidente
May 18 2021
By MARAH RUIZ
November 2020 noong pinukaw ni Janet Calayag, isang OFW (overseas Filipino worker) na nagtatrabaho sa Jeddah, Saudi Arabia, ang atensiyon ng mga Pilipino.
Naging kritikal kasi ang lagay ng kanyang buhay matapos siyang itulak, 'di umano, ng isang guwardiyang Arabo mula sa 4th floor ng gusaling pinagtatrabahuhan nila.
"Bilang magulang, iisip ako ng paraan para maibigay o mairaos ko ang pangangailangan ng anak ko," pahayag ni Janet tungkol sa pagsasakripisyo niya sa ibang bansa.
Lubos siyang nagsisikap lalo na at ang kanyang bunsong anak na si Zhea ay nangangailangan ng operasyon dahil sa kanyang cleft palate.
Pagbalik ni Janet sa bansa, dumulog siya para mapa-operahan si Zhea. Agad naman tinugunan ng GMA Kapuso Foundation at ng Philippine Band of Mercy ang kanyang panawagan.
Matapos lang ang isang linggo, sumailalim sa operasyon si Zhea.
"Naibsan po ang hirap ko. Nabawasan 'yung hirap ko dahil ang anak ko ay na-operahan na," ani Janet.
Sa muling pagbisita ng GMA Kapuso Foundation sa mag-ina, mas masiyahin at mas masigla na si Zhea.
"Matapos ma-operahan, kailangan turuan siya ng speech therapist to improve the speech para mas maging intelligible," paliwanag ni Dr. Hector Santos, isang surgeon na tumulong sa bata.
Isa lang si Zhea sa mga natulungan ng inyong donasyon. At dahil marami pang dapat tulugnan, maaring magpa-abot ng inyong donasyon sa GMA Kapuso Foundation sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, at G-Cash.
Maari rin mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora, at Mega Mart.
Comments
comments powered by Disqus