GMA Kapuso Foundation, nag-abot ng tulong sa mga nasunugan sa Bacoor, Cavite | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Ang 1,264 residente na naapektuhan ng sunog sa Bacoor, Cavite ang hinatiran ng tulong ng GMA Kapuso Foundation.

GMA Kapuso Foundation, nag-abot ng tulong sa mga nasunugan sa Bacoor, Cavite

By MARAH RUIZ

Ang Brgy. Panapaan III sa Bacoor ang may pinakamataas na COVID-19 cases sa Cavite ayon sa tala ng Department of Health (DOH).

Bukod dito, tinamaan din ng sunog ang barangay nito lang nakaraang Abril.

Isa sa mga nasunugan si Manimar Fideles na isa't kalahating taon pa lang sa bahay na inuupahan bago ito nasunog.

 

GMA Kapuso Foundation

 

"Masakit po kasi 'yung nangyari po sa mga gamit po namin, lahat po tupok. Sunod-sunod po din--'yung pandemya at 'yung nangyari po saming ganito," pahayag ni Manimar.

Tumatanggap ng labada si Manimar habang jeepney driver naman ang kanyang asawa. Kumikita sila ng PhP400 kada araw at pinagkakasya ito sa panggastos ng limang maliliit na anak.

Matapos ang dalawang linggo sa isang evacuation center, nakahanap na sina Manimar ng bagong bahay na uupahan.

Pero hindi kasing palad nila ang ibang residente na nagtitiis pa rin sa mga tent.

Katuwang ang Armed Forces of the Philippines, naghatid ang GMA Kapuso Foundation ng tulong sa mga apektado ng pandemya at sunod sa Brgy. Panapaan III sa Bacoor, Cavite.

Nasa 1,264 tao ang hinandugan ng Kapuso fully-loaded grocery packs na may kasamang pang-ulam, French fries, tinapay, biskwit, juice, tubig, at face shield.

 

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng Gardenia Bakeries Philippines, Inc. at Multi-M Food Corporation sa pagpapatuloy ng Operation Bayanihan.

Sa mga nais mag-abot ng tulong para sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ding magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier, PayMaya, at G-Cash.

Maaari din mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora at Mega Mart.