GMA Kapuso Foundation, naghatid ng Mother's Day gifts para sa 102 nanay sa Tanza, Cavite
May 07 2021
By MARAH RUIZ
Paggawa ng tinapa ang ikinabubuhay ng maraming nanay sa barangay Julugan III sa Tanza, Cavite.
Isa na rito si Aida Arcega na tatlong dekada nang gumagawa ng tinapa.
Ito ang bumubuhay sa kanyang anim na anak, lalo na at mag-isa na lang niyang itinataguyod ang mga ito matapos yumao ang kanyang asawa noong 2014.
Tinamaan na ng sakit sa baywang at tuhod si Aida kaya ang maliit na kinikita sa tinapa, hindi na sapat para sa gastusin ng mga anak at mga gamot pa niya.
Gayunmapan, nananatili siyang matatag para sa kanyang mga anak.
"Sa bawat isang mga anak ko, handa talaga akong sumporta sa kanila habang nakakaya ko," pahayag ni Aida.
Kabilang si Aida sa mga nanay na sinorpresa ng GMA Kapuso Foundation para sa Mother's Day ngayong taon.
Naghatid ang GMA Kapuso Foundation ng iba't ibang regalo para sa 102 nanay na gumagawa at nagtitinda ng tinapa sa barangay Julugan III, Tanza, Cavite.
Kabilang dito ang grocery packs, mamon, mga gamit sa kusina, beauty products, face masks at face shields.
May libreng pap smear at breast exam din para sa 40 nanay na nais magpatingin.
Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation sa Red Ribbon Pastries (Jollibee Group), Lola Remedios, Melawares, at Brilliant Skin Essentials Inc. sa kanilang pakikiisa sa proyekto.
Sa mga nais mag-abot ng tulong para sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at PayMaya.
Maari rin mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora, at Mega Mart.
Comments
comments powered by Disqus