May 05 2021
Ayon sa tala ng Department of Health (DOH), pangalawa ang Cavite habang pangatlo ang Rizal sa mga lugar na nakapagtala ng pinakamaraming COVID-19 cases sa NCR Plus.
Bilang suporta sa mga medical frontliners sa mga probinsiyang ito, naghatid ang GMA Kapuso Foundation ng libo-libong protective supplies para sa mga medical frontliners sa 10 pampublikong ospital dito.
Isa sa mga nakilala ng GMA Kapuso Foundation dito ay si Vernard Oma, isang utility staff sa Tanza Municipal Health Office.
Dati siyang isang construction worker pero nang mag-positibo sa COVID-19 noong September 2020, hindi na siya nakabalik ng trabaho.
"'Yung panlasa ko kasi biglang nawala eh, tapos nawalan din ng pang amoy. Natakot [ako]. Iniisip ko 'yung mga pamilya ko," pahayag ni Vernard.
Buti na lang, nakahanap din siya ng trabaho matapos gumaling sa sakit.
"Nag-apply akong utility [staff sa] isolation [ward] at dito marami akong natututunan, natutulungan," aniya.
Sampung pampublikong ospital, kabilang ang pinatatrabahuhan ni Vernand sa hinatiran ng protective supplies ng GMA Kapuso Foundation sa Operation Bayanihan: Labanan Nating ang COVID-19.
2,000 piraso ng PPE hazmat suits, 2,000 piraso ng face shields, 2,000 bote ng alcohol, 15,000 pares ng rubber gloves, 15,000 piraso ng face masks at 18,000 piraso ng Lola Remedios ang naibigay sa Las Pinas General Hospital and Satellite Trauma Center, Southern Tagalog Regional Hospital (Bacoor District Hospital), Ospital ng Imus, Pagamutan ng Dasmarinas, General Trias Medicare Hospital, Tanza Municipal Health Office, Rizal Provincial Hospital System (Antipolo), Taytay Emergency Hospital, at Casimiro A. Ynares Sr. Memorial Hospital (Rizal Provincial Annex-Binangonan).
Nagpaabot din ng tulong si Kapuso comedian Betong Sumaya na isa ring residente ng Rizal. Naghandog siya ng tubig at mamon sa frontliners ng Rizal Provincial Hospital System at nagpaabot pa ng mensahe.
"Ano 'to, mga frontliners? Hindi na iniisip ang mga sarili? Aba, kailangan niyo isipin ang mga sarili n'yo at may mga pamilya kayo. Ingat kayo," sambit niya.
Nagpapasalamat din ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng Philippine Army 2ID, 202BDE, 730CB, 80BN at STC Paper and Plastic Packiging Solutions sa operasyon.
Sa mga nais mag-abot ng tulong para sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ding magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at PayMaya.
Maari din mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora at Mega Mart.
advertisement
advertisement
Comments
comments powered by Disqus