Batang may bukol sa puwet, naipa-opera ng GMA Kapuso Foundation | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Naipa-opera ng ng GMA Kapuso Foundation ang isang batang may bukol sa kanyang puwet.

Batang may bukol sa puwet, naipa-opera ng GMA Kapuso Foundation

By MARAH RUIZ

Taong 2019 nang ilapit ng solo parent na si Jessica Salaño na taga Caramoan, Camarines Sur ang kanyang anak na si Nathalie Jane sa GMA Kapuso Foundation.

 

May kundisyon kasi si Baby Jane na tinatawag na sacrococcygeal teratoma o isang bukol sa kanyang puwet.

"Ito ay isang bukol na puwedeng genetic na nakuha, na namana, or during the time of pregnancy," paliwanag ni Dr. Beda Espineda, isang pediatric surgeon.

Habang lumalaki si Baby Jane, lumalaki rin ang kanyang bukol.

Noong nakaraang taon sana siya ooperahan sa Maynila, pero naudlot ito dahil sa pandemya.

"Sabi ko anak ko, huwag kang sumuko kasi kahit na mahirap lang tayo, kakayanin ko 'to," kuwento ni Jessica.

 

GMA Kapuso Foundation

 

Dahil sa kanyang determinasyon, naisagawa rin ang operasyon ng kanyang anak sa Bicol Medical Center noong nakaraang Pebrero.

"Itong operasyon na ito ay ating ni-repair or inayos 'yung lumobong sac. Kung hindi ito na-operahan agad, pwede pang mas lalo itong lalaki.

"Naapektuhan din 'yung pag-ihi at pagdumi ng bata," pahayag ni Dr. Wayne V. Paez, isang neurosurgeon.

Nagpapasalamat ang GMA Kapuso Foundation kay Dr. Paez at sa mga general surgery residents na sina Dr. Aron Patrick Gigatone at Dr. Caren P. Jardinan.

Samantala, binisita din ng GMA Kapuso Foundation sina Jessica at Baby Jane para abutan ng medical supplies at groceries na makakatulong sa pagpapalakas ng bata.

"Maraming maraming salamat po sa GMA Kapuso Foundationn na sumuporta ng mga pangangailangan ng anak ko, lalo na po 'yung mga gamot. Salamat po sa pag-alalay po sa aming mag-ina," ani Jessica.

Sa mga nais mag-abot ng tulong para sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.

Maaari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at PayMaya.

Maaari rin mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee, Zalora at Mega Mart.