GMA Kapuso Foundation, mga sundalo, guro at magulang, nagtulungan sa pag-repair ng isang paaralan
March 22 2021
By MARAH RUIZ
Itinayo ang Palta Elementary School sa Virac, Catanduanes noong 1968 at sa unang pagkakataon, lubos itong napinsala nang tumama ang super typhoon Rolly noong nakaraang taon.
Dahil sa pinsalang tinamo ng mga silid-aralan, ang mailiit na stage muna ang nagsisilbing opisina ng mga guro.
Noong February, sinimulan na ng GMA Kapuso Foundation ang pag-aayos ng tatlong silid-aralan ng eskuwelahan. Bukod dito, magpapatayo pa ng apat na karagdagang Kapuso classrooms.
"Mas makapal 'yung mga bakal. Mas masi-seal 'yung mga pagitan ng spacing para sigurado talaga na makakayanan 'yung lakas ng hangin dito sa Catanduanes," paliwanag ni Engr. Dd Eniego, senior project engineer ng GMA Kapuso Foundation.
Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa proyekto ang Armed Forces of the Philippines, pati na mga guro at parent volunteers.
"Masarap sa pakiramdam na 'yung classroom ng mga elementary mapapagawa na kasi masipag pa naman 'yung anak kong mag-aral. Sa GMA Kapuso Foundation, nagpapasalamat ako kasi ginawa n'yo 'yung pangalawang tahanan ng mga anak ko," pahayag ni Melchor Sacar, isang parent volunteer.
Inaasahang sa parating na Hunyo, matatapos na ang mga pinaganda at pinatibay na Kapus classrooms.
Sa mga nais mag-abot ng tulong para sa mga proyekto ng GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ding magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at PayMaya.
Maari din mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee at Zalora.
Comments
comments powered by Disqus