GMA Kapuso Foundation, naghandog ng bubong sa mga nasalanta ng bagyong Ulysses
February 18 2021
By MARAH RUIZ
Tinatayang mahigit P4M ang halaga ng naging pinasala sa probinsiya ng Aurora matapos tumama ang bagyong Ulysses, Nobyembre noong nakaraang taon.
Kabilang dito ang mga nasirang tahanan ng mga residente.
Sa Brgy. Paltic, sa bayan ng Dingalan, Aurora, mahigit 2,300 pamilya ang nasiraan ng bahay.
Kaya ngayong Pebrero na tinaguriang Love Month, ibinabalik ng GMA Kapuso Foundation ang "Silong Kapuso: Handong Bubong, Handong Pagmamahal" para sa mga nasiraan ng tahanan.
Unang inilusad ang programang ito noong 2013 sa Davao Oriental matapos magdala ng pinsala ang bagyong Pablo.
"Mayroon kaming programa ngayong Valentine's Day, regalong pagmamahal sa aming mga beneficiary na nasalanta ng bagyo. Katuwang n'yo po ang GMA Kapuso Foundation sa inyong pagbangon," pahayag ni GMA Kapuso Foundation EVP and COO Rikki Escudero-Catibog.
Katuwang ang Philippine Army engineers at Rhineland Realty and Development Corporation, nagpamahagi at nagkabit ng mga yero at roofing materials ang GMA Kapuso Foundation sa 100 mga tahanan sa Brgy. Paltic, Dingalan, Aurora.
Nagpapasalamat din ang GMA Kapuso Foundation sa pakikiisa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) General Headquarters, AFP Northern Luzon command, Philippine Army 7ID, 703BDE, 91IB, 501EBDE, 522 EBN, at Alpha Company.
Sa mga nais mag-abot ng tulong, bukas ang GMA Kapuso Foundation sa inyong mga donasyon. Maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maari ring magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier at PayMaya.
Maari rin mag-abot ng tulong sa pamamagitan ng pagbili ng GMA Kapuso Foundation vouchers mula sa sa Shopee at Zalora.
Comments
comments powered by Disqus