GMA Kapuso Foundation, naghandog ng Give a Gift bags sa mahigit 1,500 tao sa Agusan del Sur
January 07 2021
By MARAH RUIZ
Isa ang barangay San Francisco sa Agusan del Sur sa mga nalubog sa baha na dulot ng bagyong Vicky noon nakaraang Pasko.
Dito, nakilala ng GMA Kapuso Foundation si Romilito Damayo. Dati siyang construction worker ngunit natigil sa pagtatrabaho dahil sa pandemya.
Mag-isa niyang binubuhay ang sarili ngayon sa pamamagitan ng pag-aalaga ng mga baboy, manok at kambing.
Swerteng hindi nasira ng bagyo ang kanyang bahay, pero nawala ang kanyang kabuhayan nang anurin ito ng baha.
"Naanod sa baha 'yung baboy ko. 'Yun na lang ang [inaasahan] ko para mabuhay ako dito," pahayag ni Romilito.
Para matulungan siya at iba pang mga residenteng naapektuhan ng bagyo, naghatid ng tulong ang GMA Kapuso Foundation sa apat na barangay sa Agusan del Sur, kabilang na ang barangay San Francisco.
Mahigit 1,500 tao ang nabigyan ng Give a Gift bags na may lamang pagkain, hygiene kits at mga laruan.
Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa proyekto ang Armed Forces the Philippines, Joint Task Force-NCR, 3rd Special Forces Battalion ng Philippine Army, 401st at 402nd BDE at 26th BN ng Philippine Army.
Sa mga sa mga nais mag-abot ng tulong sa GMA Kapuso Foundation, maaaring mag-donate online sa pamamagitan ng pagbisita sa official website nito.
Maarri ding magdeposito sa iba't ibang bank accounts ng GMA Kapuso Foundation, pati na sa Cebuana Lhuillier.
Comments
comments powered by Disqus