'Bike for Good' ng GMA Kapuso Foundation, nakapili na ng 30 beneficiaries | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Naibigay na ang bisikleta at negosyo starter pack sa 30 beneficiaries ng 'Bike for Good' livelihood project ng GMA Kapuso Foundation.

'Bike for Good' ng GMA Kapuso Foundation, nakapili na ng 30 beneficiaries

Ang Bike for Good ang unang livelihood project ng GMA Kapuso Foundation, katuwang ang Unviversal Robina Corporation (URC) at Baker John.

Layunin ng proyekto na makapagbigay ng bagong bisikleta 60 piraso ng iba't ibang tinapay mula sa Baker John bilang panimulang puhunan.

Nakapili na ang GMA Kapuso Foundation ng 30 benepisyaro ng livelihood project mula sa mga lugar tulad ng Quezon City, Malabon, Maynila, Marikina at Rizal.

 

 

Bike for Good ng GMA Kapuso Foundation

Pumili ang GMA Kapuso Foundation mula sa mga sumulat sa official social media accounts nito at sa mga naging bahagi ng mga nakaraan proyekto tulad ng Kapuso Cancer Champion.

"'Yung pagpili sa inyo ng GMA Kapuso Foundation, napaka masususing pagpili 'yan. Ang criterria ng GMA Kapuso Foundationn, kailangan, naapektuhan ng pandemya. Pangawala, kailangan apektado ng bagyong Ulysses," pahayag ni Rikki Escudero-Catibog, EVP and COO ng GMA Kapuso Foundation.

"Ang GMA Kapuso Foundation ay talagang nagagalak na ilo-launch natin ito ngayong Pasko. Mayroon tayong bagong pag-asa sa buhay," dagdag pa niya.

Isa sa mga napili si Eva Aquino na nasalanta ng bagyong Ulysses sa Rodriguez, Rizal. Lubos ang pasasalamat niya na nakaligtas ang buong pamilya niya dito.

"Sisikapin ko pong palaguin ito para makatulong po sa pang-araw araw naming pamumuhay," pahayag ni Eva.

Sinorpresa naman ng GMA Kapuso Foundation sa kanyang tahanan sa Marikina si Mark Andrew Ramos na naapektuhan ng pandemya ang hanapbuhay.

"Lubos po akong nagpapasalamt sa GMA Kapuso Foundation at sa URC sa isang napakalaking tulong na ipinagkaloob niyo po sa amin. Aalagaan ko po ang ibinigay niyo pong ito para sa amin at para po sa pamilya ko," aniya.

Nagpapasalamat din ang GMA Kapuso Foundation sa Joint Task Force-NCR para sa kanilang partisipasyon sa proyekto.