GMA Kapuso Foundation, nagbigay ng tulong sa mga nasalanta ng bagyong Pepito sa Quezon | GMANetwork.com - Foundation - Articles

2,000 indibidwal sa Lopez, Quezon na naapektuhan ng bagyong Pepito ang nabigyan ng tulong ng GMA Kapuso Foundation.

GMA Kapuso Foundation, nagbigay ng tulong sa mga nasalanta ng bagyong Pepito sa Quezon

By MARAH RUIZ

Lagpas-tao ang dalang baha ng bagyong Pepito sa bayan ng Lopez, Quezon.

Sinabayan pa ito ng high tide at pag-apaw ng ilog malapit sa baragay Canda Ilaya at Canda Ibaba.

Ito din ang pinakamababang lugar sa siyam na barangay sa Lopez, Quezon.

Lubog sa baha ang mga bahay at ilang ektarya ng palayan. Ang ganitong lebel ng baha, posibleng umabot ng hanggang apat na araw bago humupa.

 

GMA Kapuso Foundation sa Lopez Quezon

 


Kaya naman agad na pumunta dito ang GMA Kapuso Foundation para mag-abot ng tulong sa mga residente.

Inabot ng dilim at kinailangan pang sumakay ng bangka para makaabot sa evacuation center para makapagbigay ng relief goods sa 2,000 indibidwal dito.

Katuwang ng GMA Kapuso Foundation sa pamamahagi ang Southern Luzon Command ng AFP at 59th Infantry Battalion ng Philippine Army.

Samantala, sa mga nais pang makiisa sa iba't ibang proyekto ng GMA Kapuso Foundation, bumisita lang sa official website nito.