GMA Kapuso Foundation, napa-operahan ang magkapatid na may corneal blindness
October 19 2020
By MARAH RUIZ
Taong 2011 nang unang makilala ng GMA Kapuso Foundation ang magkapatid na Roilden at Rayven Clores.
May kundisyong tinatawag na congenital hereditary endothelial dystrophy ang dalawa.
"Ito ay isang congenital problem na 'pag mayroon ang isang magulang, chances are half ng anak nila ay magkakaroon din," paliwanag ni Dr. Tonton Pascual MD, DPBO na isang ophthalmologist at cornea and external disease expert.
Matapos mapa-operahan ng GMA Kapuso Foundation, normal na muli ang paningin ng magkapatid.
"Gusto ko sanang magpasalamat nang marami sa taong nagbigay ng cornea para po sa aming magkapatid na si Rayven.
"Naging tulong po ito para sa amin. Gusto ko rin pong magpasalamat sa mga nag-opera sa amin," pahayag ni Roilden.
Bukod kina Roilden at Rayven, may problema din sa paningin ang kanilang bunsong kapatid na si Kim.
"Kung may mabuting puso, humihingi po ako ng tulong sa inyo para po makakita na siya ng lubos sa pamamagitan po ng pag-donate ng cornea," panawagan ng kanilang inang si Rosalinda.
Kaya naman hinihikayat ni Dr. Pascual ang pagiging isang organ donor dahil sa bawat buong mata na ido-donate, maaaring makatulong ng hanggang 10 tao.
"Kung cornea lang, dalawang patient [ang matutulungan]. Kung eyeball mismo ang ido-donate, hinahati 'yun sa apat. So 'yung isang mata, lima 'yung matutulungan," paliwanag niya.
Bumisita lang sa website ng Eye Bank Foundation of the Philippines para sa karagdagang impormasyon.
Samantala, sa mga nais pang magbigay ng tulong para sa iba't ibang proyekto ng GMA Kapuso Foundation, bumisita lang sa official website nito.
Comments
comments powered by Disqus