Unang Hakbang sa Kinabukasan Hatid ng GMA Kapuso Foundation | GMANetwork.com - Foundation - Articles

Sa ika-16 na taon ng proyektong Unang Hakbang Sa Kinabukasan, ang annual school opening project ng GMA Kapuso Foundation, nahigitan nito ang dating bilang ng mga estudyanteng nabigyan ng bago at kumpletong kagamitan pang-eskuwela.

Unang Hakbang sa Kinabukasan Hatid ng GMA Kapuso Foundation

By GMAKF

Sa ika-16 na taon ng proyektong Unang Hakbang Sa Kinabukasan, ang annual school opening project ng GMA Kapuso Foundation, nahigitan nito ang dating bilang ng mga estudyanteng nabigyan ng bago at kumpletong kagamitan pang-eskuwela.

Simula ika-16 ng Mayo hanggang ika-7 ng Hunyo, namahagi ang Kapuso Foundation ng mga school supplies sa iba’t ibang lugar sa bansa para sa pagbubukas ng klase.  Noong mga nakaraang taon ay higit 45,000 na mga Grade 1 pupils ang nabibiyaayaan ng proyekto. At ngayong taong ito, higit 75,000 na mga bata ang kanilang nabigyan ng mga gamit pang-eskwela.  Masaya silang makakapasok sa paaralan gamit ang  kanilang  UHSK backpacks na may lamang limang notebooks, dalawang writing pads, dalawang pencils, isang sharpener, eraser at crayon set. Simple mang maituturing,  malaking bagay para sa mga batang ito ang  magkaroon ng sari-sarili nilang mga school supplies na gagamitin sa kanilang pag-aaral at pagtupad ng kanilang mga pangarap.

Ang inisyatibong ito ng Foundation ay nakakatulong din sa mga magulang dahil hindi na  nila iisipin pa ang pagbili ng mga school supplies para sa mga bata. “Through the continuing support and generosity of our donors, we are able to bring help and assistance, and even joy, to these children and, ultimately, their whole families,” saad ni GMA Kapuso Foundation Executive Vice-President at COO Mel Tiangco.

Ang Compostela Valley at Davao Oriental ay dalawa sa mga may malalaking bilang ng mga batang nabiyayaan, kung saan mahigit 10,000 na UHSK bags ang naipamahagi sa mga piling paaralan.  Matatandaan  na  ang dalawang lugar  na ito  ang higit na sinalanta ng bagyong Pablo noong Disyembre 2012  na nagdulot ng malaking pinsala sa buong Northern Mindanao. Tulad ng inaasahan, hindi ganoon kasigla ang mga tao  dito  lalo na’t inihayag ng mga opisyal ng gobyerno na humigit kumulang tatlong taon ang bibilangin bago sila makabalik sa dati nilang kalagayan.
 
Sa kabila nito, ang  pagtulong  ng Foundation at ang patuloy na pagsuporta ng UHSK sa mga batang mag-aaral ay nagdala ng  panibagong pag-asa sa mga naninirahan sa mga nabanggit na lugar -  isang patunay sa  dedikasyon ng GMAKF na tulungan ang mga higit na nangangailangang estudyante.
 
“We are truly grateful for the confidence and the trust of our donors and beneficiaries that inspire us to achieve greater heights as we go above and beyond our duties to bring help and assistance to those who need them the most,” masayang ihinayag ni Tiangco.