Security guard na sinagasaan ng isang SUV driver, humarap sa Reporter's Notebook!
Ilang linggo matapos ang insidente na hit-and-run at ilang araw na pamamalagi sa intensive care unit ng ospital, matapang na humarap sa Reporter's Notebook si Christian Joseph Floralde, ang perimeter guard ng isang mall sa Mandaluyong City na sinagasaan ng isang SUV driver.
Dito ay ikinuwento ni Christian sa batikang journalist na si Maki Pulido ang buong pangyayari sa insidente na nakunan sa nag-viral na dashcam video.
Ayon sa kaniya, alas-10 ng umaga hanggang alas-10:30 ng gabi ang kanyang duty bilang security at perimeter guard ng isang mall.
Bandang hapon ng June 5, na-assign siya para magmando ng traffic sa vicinity ng kanilang mall.
Kuwento niya, "Patitigilin ko na sana 'yung mga [sasakyan] galing sa Ortigas kaya pumunta na ako sa gitna, itinaas ko na 'yung kaliwang kamay ko para signal na kailangan nang huminto nung mga sasakyan na galing sa Pasig."
Laking gulat na lamang ni Christian na hindi huminto ang isang SUV at tuloy-tuloy na tumakbo pakaliwa hanggang sa matumbok na siya nito.
"Tinamaan 'yung bandang tuhod ko hanggang sa bumagsak na ako,” pagsasalaysay pa ni Christian. "Akala ko bababa na 'yung driver sa sasakyan para tingnan kung okay lang ang lagay ko. Nagulat na lang ako nang bigla niya na lang pinatakbo 'yung sasakyan, hanggang sa nagulungan na ako ng sasakyan."
Matapos magulungan, nakaramdam ng paninikip ng dibdib at matinding pananakit ng katawan si Christian hanggang sa magsuka siya ng dugo. Mabilis naman siyang pinuntahan ng kanyang mga kasamahan at itinakbo sa ospital.
Natunton ng pulisya ang subdivision kung saan nakatira ang SUV driver na nakilala bilang si Jose Antonio San Vicente pero nabigo silang makausap ito. Ilang pagdinig din ang hindi nito sinipot hanggang sa boluntaryo itong sumuko at humingi ng tawad kay Christian sa isang press conference.
Binawian na ng lisensya si Jose Antonio at bagamat napatawad na siya ni Christian ay hindi nito iuurong ang pagsasampa ng kaso laban sa SUV driver.
Siyam na taon nang nagtatrabaho si Christian bilang security guard at buong pusong kumakayod para sa kanyang anak, at sa inang may sakit.
Bukod sa mga sugat, pasa, at sakit ng katawan, matinding trauma rin ang iniwan ng insidente kay Christian.
Aniya, "Parang pumipitik 'yung katawan ko kapag nakakakita ng sasakyan lalo na kapag malapit sa akin parang pakiramdam ko, ito 'yung katawan ko, ito 'yung kaluluwa ko at gusto akong iwan dala na siguro ng trauma sa nangyari sa akin."
Panoorin ang eksklusibong panayam ng Reporter's Notebook kay Christian, DITO:
Samantala, panoorin ang Reporter's Notebook at iba pang GTV shows sa mas malinaw na digital display sa GMA Affordabox!
Para naman sa on the go, 'wag magpahuli sa inyong paboritong Kapuso programs gamit ang GMA Now sa inyong Android phones!
Mabibili ang GMA Affordabox at GMA Now sa iba't ibang appliance stores at malls, o kaya naman online sa GMA Store at sa official stores ng GMA sa Shopee at Lazada.