Sassa Gurl, kinabahan sa unang eksena nila ni Marian Rivera sa 'Balota' | GMANetwork.com - Pictures - Articles

Ano kaya ang nangyari sa unang eksena nina Sassa Gurl at Kapuso Primetime Queen Marian Rivera sa 'Balota'?

Sassa Gurl, kinabahan sa unang eksena nila ni Marian Rivera sa 'Balota'

By DIANNE MARIANO

Isa si Sassa Gurl sa mga sikat na content creator sa bansa at napapanood na rin siya sa telebisyon at pelikula. Kabilang ang social media star sa cast ng pelikulang Balota, na co-produced ng GMA Pictures at GMA Entertainment Group, in cooperation with Cinemalaya.

Sa naganap na Kapuso Artistambayan nitong Miyerkules (September 25), ikinuwento ng social media star ang kanyang experience na nakatrabaho ang Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera sa naturang pelikula.

Hindi pinalagpas ni Sassa Gurl ang pagkakataon nang malamang makakasama niya si Marian Rivera sa kanyang kauna-unahang Cinemalaya film.

“Na-realize ko, binigay na sa akin ‘yung opportunity. Papakawalan ko pa ba? Talagang ginalingan ko, nilaban ko. Kung siya nga laban na laban, kailangan laban na laban din kami,” pagbabahagi niya.

Ayon kay Sassa Gurl, kinabahan siya sa kanyang unang eksena kasama ang award-winning actress.

“Kasi ‘yung unang eksena non, parang tinapatan niya kami ng mukha. My god, Nakakaloka. As in talaga, sabi ko, ‘Hindi pala ako perfect.’ 'Bakit walang butas ‘yung pores?' Walang pores talaga, [kutis] porselana.

"Muntik na kaming mag-break in character ni Esnyr. Actually, pa-break in character na kami, kung mapapanood mo,” kuwento niya.

Bukod dito, labis ang pasasalamat ni Sassa Gurl sa GMA Network dahil sa mga oportunidad na binigay nito sa kanya.

“Kahit hindi ako Sparkle, super thankful ako sa GMA. Ang dami nilang binigay sa akin na opportunities. Sa totoong buhay lang, ang daming opportunity binigay nila sa akin,” anang kilalang content creator.

Mapapanood ang Balota sa cinemas nationwide sa October 16.