By AL KENDRICK NOGUERA
Kababalik lang sa Pilipinas ng sikat na kontrabida noon na si Princess Punzalan para sa kanyang special role sa Afternoon Prime soap na
Yagit.
Sampung taon ding namalagi si Princess sa Amerika at sa tagal niya roon, nakabuo na siya ng sariling pamilya. Bukod pa rito, natupad niya rin daw ang kanyang pangarap na maging nurse.
Pero bago 'yon, inamin ni Princess na kung ano-anong trabaho ang sinubukan niya para lamang mabuhay sa ibang bansa. Napagsilbihan niya pa nga raw noon ang Hollywood actress na si Eva Mendes, "Nagtrabaho ako sa [isang] restaurant, tagatanggap ng orders. Minsan naging customer ko si Eva Mendes tapos aliw na aliw ako. "
Mula sa pagiging artista, isa na raw siyang registered nurse sa Amerika. Bakit ito ang napili niyang trabaho? "Maawain akong tao eh so second nature na sa 'kin 'yung maging maalaga. Kung mayroon akong puwedeng magawa para makatulong, gagawin ko," sagot ni Princess kay Tunay na Buhay host Rhea Santos.
Ikinasal si Princess sa Amerikanong si Jay. "I felt that it was right and I felt we were a good match. I saw that we were headed towards the same direction," kuwento ni Princess.
Nabiyayaan din sina Princess at Jay ng anak na si Ellie. Aniya, "Nakita ko kung gaano ka-fulfilling ang maging nanay kasi binigyan ka ng opportunity ng Diyos na magkaroon ng part sa buhay ng isang tao. When she kisses me, talagang nagme-melt 'yung heart ko. Ibang klase talaga."
Sa huli, ibinahagi ni Princess kay Rhea ang kanyang aral na natutunan sa mga pinagdaanan niya sa buhay. "There's always hope. There's always a second chance. Just persevere. Kung ano man 'yung mahirap na circumstances na pinagdadaanan mo, malalampasan mo," anang Yagit star.