Ashley Ortega at Pauline Mendoza, inaming na-challenge sa kanilang roles sa 'Widows' Web'
Ngayong Pebrero, mapapanood na ang kaabang-abang na Widows' Web, na pinagbibidahan nina Ashley Ortega, Pauline Mendoza, Vaness del Moral, at Carmina Villarroel.
Ayon sa “Chika Minute” report ni Aubrey Carampel ng 24 Oras, naging isang hamon para kina Pauline at Ashley ang mapabilang sa leading stars ng murder-mystery teleserye kasama sina Vaness at Carmina.
Sa seryeng ito, gaganap si Pauline bilang si Elaine Innocencio habang bibigyang buhay naman ni Ashley ang role ni Jackie Sagrado. Dagdag pa rito, mas mature raw ang mga karakter ng dalawang Kapuso stars kumpara sa kanilang naunang mga proyekto.
“Gusto ko talaga nacha-challenge ako, e. This time, sobrang iba, ang ganda ng experience. Marami pa rin kaming hindi nagagawang mga eksena and I'm very excited na magawa namin ito,” pagbabahagi ni Pauline.
Matinding effort naman ang ibinigay ni Ashley para sa kanyang role. Aniya, “I had to put so much effort in my character physically, emotionally, and mentally.
“'Yung character ko kasi gusto ni Direk [Jerry Sineneng] na once na naipakita na si Jackie Sagrado, they would know that I'm Jackie Sagrado.”
Ramdam din ng young Kapuso actresses ang kaba at pressure lalo na't ito ang unang beses na sila'y nasa ilalim ng direksyon ni Jerry Lopez Sineneng. Ang Widows' Web ay ang unang drama series ng kilalang direktor sa Kapuso Network.
Bukod sa apat na lead actresses, kabilang din dito sina EA Guzman, Adrian Alandy, Christian Vasquez, Allan Paule, Tanya Gomez, Arthur Solinap, Karenina Haniel, Mosang, Dave Bornea, Mike Agassi, Neil Coleta, Josh Morales, Anjay Anson, Vaness Peña, at Ryan Eigenmann sa isang special guest role.
Huwag palampasin ang premiere ng Widows' Web ngayong Pebrero sa GMA Telebabad.
Samantala, alamin ang iba pang Kapuso shows na dapat abangan ngayong 2022 sa gallery na ito.