Snooky Serna, inaming mas na-challenge sa role bilang Velda sa 'Underage'
Napapanood ngayon sa naiibang karakter ang veteran star na si Snooky Serna sa coming-of-age drama series ng GMA na Underage.
Bago pa man ito, matatandaang kabilang din si Snooky sa original cast ng hit film na Underage noong '80s, kung saan kasama niya ang kapwa seasoned actresses na sina Dina Bonnevie at Maricel Soriano.
Sa panayam ng GMANetwork.com kay Snooky, sinabi ng beteranang aktres na malayo ang kanyang karakter ngayon bilang Velda Gatchalian sa naging role niya noon sa pelikulang Underage.
Kuwento niya, “My character then was very sweet, helpless, very tahimik, innocent, gano'n 'yung character ko. Very heroine-like. But itong character ko ngayon as Velda Gatchalian, the exact opposite naman na talaga namang malditang maldita 'yung character, salbahe talaga kung salbahe. 'Yung character parang nai-imagine ko na… I relate it really to the character of Ms. Bella Flores noong Underage days namin ng pelikula.
“Siya 'yung aming pinaka-bida-kontrabida doon sa movie namin. Nakaka-relate ako ngayon sa kanya. 'Yung role na ginagampanan niya noon, 'yun 'yung ginagampanan ko ngayon as Velda and more kasi talagang salbahe 'yung character ko rito.”
Nang tanungin ang aktres kung ano sa tingin niya ang mas challenging sa pagganap niya sa dalawang proyekto, mas naging hamon ang karakter niya sa modern version ng Underage dahil malayo ito sa kanyang personalidad sa tunay na buhay.
Aniya, “In hindsight, mas challenging ito kasi hindi ko naman… I would like to be believe hindi naman ako si Velda Gatchalian, hindi ito 'yung nature ko talaga.
"Ito kasing si Velda Gatchalian talagang bordering on evil na, e. So mas na-challenge ako rito sa role na ito.”
Paglilinaw niya, nahirapan din siya noon sa kanyang role sa pelikulang Underage dahil sa kanyang edad ngunit ang pagganap bilang Velda ngayon sa serye ay isang naiibang challenge din para sa kanya.
“But then as a young girl noon doing Underage--and that was my first movie--I was introduced as a teenager sa Underage, e. I was only 14 years old at that time. 'Yung role ko was also challenging for my age pero siguro mas challenging itong role ni Velda Gatchalian, definitely.”
Patuloy na subaybayan ang karakter ni Snooky bilang Velda sa Underage, Lunes hanggang Biyernes, 4:05 p.m., sa GMA Afternoon Prime at sa Pinoy Hits - Channel 6 ng GMA Affordabox at GMA Now.
Mapapanood din ang Underage via Kapuso Stream at sa official Facebook page at YouTube channel ng GMA Network.
Maaari ring i-stream ang full episodes nito at ng iba pang programa ng GMA sa GMANetwork.com o GMA Network app.
SAMANTALA, ALAMIN ANG IBA'T IBANG KARAKTER NI SNOOKY SERNA SA GMA TELESERYES SA GALLERY NA ITO.