Stell, hiling na makagawa ang Vocalmyx ng sariling pangalan sa music industry
Masayang masaya ang P-pop singer na si Stell sa pagkapanalo ng Vocalmyx mula sa kanyang team na Stellbound bilang first-ever The Voice Generations winner sa Pilipinas at sa buong Asya.
Sa grand finale ng nasabing singing competition noong Linggo, December 10, eksklusibong nakapanayam ng GMANetwork.com si Stell upang hingan ng mensahe para sa kanyang winning team.
Ayon kay Stell, proud siya na maging coach ng Vocalmyx at masaya siya sa narating ng mga ito sa pagsali sa The Voice Generations.
Aniya, “First of all congratulations to my team, Vocalmyx. I'm very happy and proud sa narating nila kasi sino bang mag-aakala na 'yung mga estudyanteng kagaya nila na nagbaka-sakali lang na sumali dito ay ngayon grand champion na ng The Voice Generations.”
Matatandaan na ang Vocalmyx ay binubuo ng mga kabataang singers mula sa Cagayan De Oro. Sila ay sina Renier Jupiter, Raven Joshua Zamora, Renz Romano, Reynan Paul, Shanny Obidos, Claire Marie Rañoa, Charisse Engracia Apag, at Rico Robito.
Bago makasali at mas makilala sa The Voice Generations, iba't ibang pagsubok ang pinagdaanan ng bawat isang miyembro ng nasabing grupo.
Kuwento ni Raven sa isang interview, kabilang sila sa mga nasalanta ng bagyong Sendong noon nang manalasa ito sa kanilang bayan sa Cagayan De Oro. Karamihan umano sa kanila ay nawalan ng tirahan at nawalan ng kabuhayan ang mga magulang.
Nang malaman ang tungkol sa The Voice Generations, mula sa Cagayan De Oro, bumiyahe ng nasa tatlumput tatlong oras ang Vocalmyx upang makaabot sa Blind Auditions ng programa sa Manila.
Ayon naman sa isa sa mga miyembro ng grupo na si Reynan, wala silang ibang nasa isip noon kung 'di ang makaabot sa auditions.
Aniya, “Before po sa CDO pa lang po kami goal talaga namin sa team kahit umabot lang tayo doon sa Manila kahit anong mangyari doon basta makaabot lang tayo.”
Kuwento naman ng isa sa mga original na miyembro ng grupo na si Renz, inisip niya noon na sumuko na sa pagbuo ng grupo dahil lagi na lamang siyang naiiwan ng kanyang mga kagrupo.
“Umabot din po sa time na parang feeling ko i-stop ko na 'yung pagbuo ng grupo kasi nga parang wala namang nangyayari kasi paulit-ulit akong naghahanap ng mga grupo tapos biglang may conflict. Parang feeling ko po minsan naiiwan ako sa ere,” ani Renz.
Pero nabuhayan naman ang binatang singer nang makilala niya na ang mga bago niyang mga kaibigan.
Aniya, “Siguro 'yung mga time na iniwan ako 'yun din po 'yung nagpa-realize sa akin na hindi ko po kailangan na i-stop 'yung dreams ko lalong-lalo na po nandito na po sila.”
Samantala, hiling naman ni Stell para sa Vocalmyx ay ang makagawa ang mga ito ng sarili nilang pangalan sa industriya.
“I'm so happy and proud and sobrang nilu-look forward ko pa sila in the future, hindi lang as sumasali sa competition, sana magkaroon din sila ng sarili nilang pangalan dito sa Pilipinas at makilala pa lalo,” ani Stell.
Nagpasalamat naman si Stell sa GMA at sa lahat ng sumuporta sa kanya bilang coach at sa kanyang team sa The Voice Generations.
“Maraming maraming salamat ulit sa The Voice Generations, sa GMA Family, and of course sa mga bumoto sa kanila sa supporters ng Vocalmyx, and of course to our ATIN na sinusuportahan din ako sa project na 'to. Maraming salamat po,” anang singer.
Sa nasabing grand finale ng The Voice Generations, inawit ng Vocalmyx ang sikat na kantang “Into The Unknown” mula sa Disney film na Frozen II.
Bilang grand winner, nakatanggap ang Vocalmyx ng recording and management contract sa Universal Music Group Philippines, The Voice Generations trophy, at tumataginting na PhP1 million.
Nakalaban ng Vocalmyx ang iba pang grand finalists gaya ng trio na P3 mula sa Team Bilib ni Coach Billy Crawford, girl group mula sa Cebu na Sorority ng Parokya Ni Chito ni Coach Chito Miranda, at duo na Music and Me mula sa Bohol ng team Julesquad ni Coach Julie Anne San Jose. Makatatangap naman ng PhP100,000 ang nasabing non-winners.
Sa pagtatapos ng The Voice Generations, sinabi ng host nito na si Dingdong Dantes na dapat abangan ang pagbubukas ng bagong season nito sa 2024.
Ang The Voice Generations ay ang newest spin-off ng biggest singing competition sa mundo na The Voice mula sa ITV Studios.
Napanood ito for the first time hindi lamang sa Pilipinas kung 'di pati na rin sa buong Asya via GMA Network.