Vocalmyx The Voice Generations
TV

Vocalmyx ng Cagayan De Oro, pasok sa grand finals ng 'The Voice Generations'

By Jimboy Napoles
Pasok na sa grand finals ng 'The Voice Generations' ang pambato ng Stellbound na Vocalmyx.

Isang pangmalakasang performance na lang at posible nang magbago ang buhay ng grupo ng mga kabataang singer mula sa Cagayan De Oro na Vocalmyx dahil pasok na sila sa grand finals ng The Voice Generations.

Ang Vocalmyx ay ang grand finalist mula sa team ni Coach Stell na Stellbound. Sila ay sina Renier Jupiter, Raven Joshua Zamora, Renz Romano, Reynan Paul, Shanny Obidos, Claire Marie Rañoa, Charisse Engracia Apag, at Rico Robito.

Matatandaan na nitong Linggo, November 26, ginanap ang unang Semi Finals Round ng nasabing singing competition, kung saan nagtapat-tapat ang tig-dalawang teams nina Coach Stell at Coach Billy Crawford na Stellbound at Team Bilib.

Sa nasabing round, inawit ng Vocalmyx ang kanilang sariling bersyon ng “Queen of the Night” na nagpahanga hindi lang sa coaches kung 'di maging sa lahat ng manonood.

Ang nasabing performance ng Vocalmyx ay tinapatan naman ng kanilang kalabang team na Fortenors gamit ang awiting “You Give Love a Bad Name.”

Dahil sa tindi ng ipinakitang performances ng Vocalmyx at Fortenors, nahirapan ang kanilang coach na si Stell na mamili kung sino sa kanila ang magpapatuloy sa grand finals.

Dito ay naging emosyonal pa si Stell nang magbigay mensahe sa dalawang grupo. Matapos ang nakakadurog na pusong desisyon, pinili ni Stell ang Vocalmyx.

Rewarding naman ito para sa nasabing grupo na bumiyahe pa ng mahigit isang araw mula sa Cagayan De Oro upang makaabot sa Blind Auditions noon.

Sa isang interview, sinabi ng isa sa mga miyembro ng grupo na si Reynan, wala silang ibang nasa isip noon kung 'di ang makaabot sa auditions.

Aniya, “Before po sa CDO pa lang po kami goal talaga namin sa team kahit umabot lang tayo doon sa Manila kahit anong mangyari doon basta makaabot lang tayo.”

Kuwento naman ng isa sa mga orihinal na miyembro ng grupo na si Renz, inisip niya noon na sumuko na sa pagbuo ng grupo ng Vocalmyx dahil lagi na lamang siyang naiiwan ng kaniyang mga nakakasama.

“Umabot din po sa time na parang feeling ko i-stop ko na 'yung pagbuo ng grupo kasi nga parang wala namang nangyayari kasi paulit-ulit akong naghahanap ng mga grupo tapos biglang may conflict. Parang feeling ko po minsan naiiwan ako sa ere,” ani Renz.

Pero nabuhayan naman umano si Renz nang makilala niya na ang mga bago niyang mga kaibigan at miyembro ng Vocalmyx.

Aniya, “Siguro 'yung mga time na iniwan ako 'yun din po 'yung nagpa-realize sa akin na hindi ko po kailangan na i-stop 'yung dreams ko lalong-lalo na po nandito na po sila.”

Kung gusto niyong manalo ang Vocalmyx bilang first-ever grand winner ng The Voice Generations sa Pilipinas at sa buong Asya, maaari n'yo silang iboto gamit ang GMA Network Website at GMA Network App sa December 10.

Para sa buong detalye, magtungo lamang sa GMANetwork.com, o hintayin ang updates sa The Voice Generations, na mapapanood Linggo, 7:20 p.m. bago ang KMJS. Maaari ring panoorin ang delayed teleacast 10:45 p.m. sa GTV.

Para sa mga Pinoy abroad, mapapanood ang The Voice Generations sa GMA Pinoy TV.

NPC SEAL
We use cookies to ensure you get the best browsing experience. By continued use, you agree to our privacy policy and accept our use of such cookies. For further information, click FIND OUT MORE.