Stell The Voice Generations
TV

Stell, naiyak sa pagpili ng talents na dadalhin sa grand finals ng 'The Voice Generations'

By Jimboy Napoles
Updated On: November 26, 2023, 08:35 PM
Madamdamin ang naging mensahe ni Stell sa kaniyang natirang teams sa Semi Finals Round ng 'The Voice Generations.'

Hindi napigilang maging emosyonal ng Boy Group Power Coach na si Stell sa unang gabi ng Semi Finals Round ng The Voice Generations ngayong Linggo, November 26.

Sa episode kasi ngayong gabi, kinailangan nang pumili nina Coach Stell at Coach Billy Crawford sa kanilang natitirang tig-dalawang grupo ng talents kung sino ang dadalhin nila sa grand finals.

Ang natitirang grupo sa team ni Stell na Stellbound ay ang Vocalmyx at Fortenors.

Ang Vocalmyx ay ang grupo ng mga kabataang singers mula sa Cagayan De Oro na binubuo nina Renier Jupiter, Raven Joshua Zamora, Renz Romano, Reynan Paul, Shanny Obidos, Claire Marie Rañoa, Charisse Engracia Apag, at Rico Robito.

Ang Fortenors naman ay ang all-male group of singers na sina Jenmai De Asis, Johann Enriquez, Richard Supat, Christian Nagano, at Dave Gasataya.

Sa paghaharap ng dalawang grupo, inawit ng Vocalmyx ang kanilang sariling bersyon ng “Queen of the Night,” na tinapatan naman ng Fortenors ng kanilang malupit na performance ng awiting “You Give Love a Bad Name.”

Matapos ang kanilang mga naging performance, tinanong na si Stell ng host na si Dingdong Dantes kung sino sa Vocalmyx at Fortenors ang kaniyang pipiliin na magpatuloy sa grand finals.

Dito na unti-unting naging emosyonal si Stell. Ayon sa singer, masuwerte siya dahil pinagkatiwalaan siya ng Vocalmyx at Fortenors na maging kanilang coach kahit pa baguhan umano lamang siya sa industriya.

Aniya, “Sa totoo lang po I am very lucky na merong klase ng mga tao na katulad n'yo na naniniwala sa akin kahit baguhan pa lang ako sa industry na 'to.”

Paglalahad pa ni Stell, marami umano ang nagtaas ng kilay nang mapabilang siya bilang coach sa naturang malaking singing competition.

“Itong project na 'to na pagiging coach dito sa 'The Voice Generations,' sa tingin ng iba parang, 'Ang suwerte niya,' tingin naman ng iba, 'Bakit siya nandiyan?' Maraming kumukuwestiyon, but actually sometimes as a performer, kinukuwestIyon mo rin 'yung sarili mo, kung ano ba talaga 'yung credibility mo, kung ano ba talaga 'yung skill mo,” ani Stell.

Pero nawala raw ang pagdududa ni Stell sa kaniyang sarili dahil sa tiwala ng kaniyang talents.

“But, you guys showed me na being an artist ay hindi lang tungkol sa skill na meron kayo, ang pagiging artist ay pagkakaroon ng puso and I'm very happy and proud na hanggang sa dulo kumapit kayo,” anang singer.

Mensahe pa ni Stell sa Vocalmyx at Forternors, “Both of you guys mahal na mahal ko kayo and sobrang laki ng natulong n'yo sa akin and happy rin na naging parte ako ng journey n'yo dito sa The Voice Generations.”

Bago sabihin ang kanyang napiling grupo, mas lalo pang naging emosyonal si Stell.

Aniya, “This is a competition, merong kailangang umuwi, at merong mase-stay na makakasama ko hanggang sa finale. Gusto ko lang maging happy for everyone pero hindi maaalis sa feelings naming coaches na malungkot kasi meron talagang uuwi na napamahal na kayo sa amin at naging parte na rin kayo ng buhay namin somehow dito sa The Voice Generations and tonight, pipili ako ng isang artist na dadalhin ko sa finale.”

Matapos ang nakakadurog na pusong desisyon, pinili ni Stell ang grupong Vocalmyx upang maging pambato ng Stellbound sa grand finals.

Napayuko na lamang si Stell dahil sa madamdamin niyang pagpili sa dalawa. Agad naman na lumapit kay Stell ang kapwa niya coaches na sina Billy, Julie Anne San Jose, at Chito Miranda upang damayan ito.

Sa susunod na Linggo, ang Julesquad ni Coach Julie Anne San Jose at Parokya Ni Chito ni Coach Chito Miranda naman ang magkakaalaman ng matitirang teams na papasok sa grand finals ng The Voice Generations sa December 10.

Tumutok sa mas tumitinding labanan ng talents sa The Voice Generations tuwing Linggo, 7:20 p.m. bago ang KMJS. Maaari ring panoorin ang delayed teleacast 10:45 p.m. sa GTV.

Para sa mga Pinoy abroad, maaari ring mapanood ang The Voice Generations sa GMA Pinoy TV.

Para sa iba pang updates, magtungo sa www.GMANetwork.com.

NPC SEAL
We use cookies to ensure you get the best browsing experience. By continued use, you agree to our privacy policy and accept our use of such cookies. For further information, click FIND OUT MORE.