P3 at Vocalmyx, pasok na sa grand finals ng 'The Voice Generations'
Pasok na sa grand finals ng The Voice Generations ang trio na P3 ng Team Bilib at ang grupo ng mga kabataang singers na Vocalmyx ng team Stellbound.
Sa unang gabi ng Semi Finals ng nasabing kompetisyon ngayong Linggo, November 26, kinailangan nang pumili nina Coach Billy Crawford at Coach Stell sa kanilang natitirang tig-dalawang grupo ng talents kung sino ang dadalhin nila sa grand finals sa December 10.
Sa Team Bilib ni Coach Billy, nagharap ang trio na P3 at ang Fources. Ang P3 ay binubuo nina Karl Tanhueco, Arvie Centeno, at Tan Sultan mula sa Bulacan at Pampanga. Ang Fources naman mula sa Pagbilao, Quezon ay binubuo nina Thomas Atunaza, Angelo Laurence, Nikki Labasan, Jobert Zulueta, Jhon Anderson Adan, at ang pinakabata sa grupo na si Dylan Genicera.
Sa kanilang tapatan, inawit ng P3 ang makapanindig-balahibo nilang rendisyon ng “All I Ask” ni Adele, habang kinanta naman ng Fources ang pangmalakasan nilang bersyon ng “Story Of My Life” ng One Direction.
Bagamat parehong kakaibang performances ang ipinakita ng dalawang teams, nanaig para kay Coach Billy ang boses ng P3 kung kaya't ito ang pinili niyang maging pambato ng Team Bilib sa grand finals.
Mensahe naman ni Coach Billy sa Fources, “I'm just proud of this group because they're full of positivity. Kung baga meron din silang ginagawa apart from The Voice, they prioritize themselves and minsan nabibigyan lang nila ng kaunting pagkakataon itong pangarap nila.
“But when they are there, binibigay nila ang lahat. Kaya [malaki ang] respeto ko talaga sa inyo. Thank you so much. Kahit saan man kaya mapunta, just stay together, always believe in God and believe in your dreams.”
Sa team Stellbound naman ni Coach Stell, nagharap ang Vocalmyx at Fortenors. Ang Vocalmyx ay ang grupo ng mga kabataang singers mula sa Cagayan De Oro na binubuo nina Renier Jupiter, Raven Joshua Zamora, Renz Romano, Reynan Paul, Shanny Obidos, Claire Marie Rañoa, Charisse Engracia Apag, at Rico Robito. Ang Fortenors naman ay ang all-male group of singers na sina Jenmai De Asis, Johann Enriquez, Richard Supat, Christian Nagano, at Dave Gasataya.
Sa nasabing Semi Finals Round, inawit ng Vocalmyx ang kanilang sariling bersyon ng “Queen of the Night,” na tinapatan naman ng Fortenors ng kanilang malupit na performance ng awiting “You Give Love a Bad Name.”
Sa tindi ng ipinakitang performances ng dalawang grupo, sobrang nahirapan ang kanilang coach na si Stell na mamili kung sino sa kanila ang magpapatuloy sa grand finals. Naging emosyonal pa si Stell habang binalikan ang naging journey ng Vocalmyx at Fortenors sa kaniyang team.
Mensahe ni Stell sa kanyang team, “I'm very happy and proud na hanggang sa dulo kumapit kayo and both of you guys mahal na mahal ko kayo and sobrang laki ng natulong n'yo sa akin and happy rin na naging parte ako ng journey n'yo dito sa The Voice Generations.”
Matapos ang nakakadurog na pusong desisyon, pinili ni Stell ang grupong Vocalmyx.
Mensahe naman ni Stell sa Forteneros, “Always remember, Fortenors kayo na 'yan. Wala ng makakakuha sa inyo niyan. Sobrang galing n'yo at kung magkakaroon man ng pagkakataon, gusto ko kayong makasama sa isang performance.”
Ang P3 at Vocalmyx ang unang dalawang grand finalists ng kompetisyon. Magtatapat-tapat sila ng magiging pambato ng Julesquad ni Coach Julie Anne San Jose at Parokya Ni Chito ni Coach Chito Miranda sa grand finals ng The Voice Generations sa December 10.
Tumutok sa mas tumitinding labanan ng talents sa The Voice Generations tuwing Linggo, 7:20 p.m. bago ang KMJS. Maaari ring panoorin ang delayed teleacast 10:45 p.m. sa GTV.
Para sa mga Pinoy abroad, maaari ring mapanood ang The Voice Generations sa GMA Pinoy TV.
Para sa iba pang updates, magtungo sa www.GMANetwork.com.