P3 ng Team Bilib, pasok na sa Battle Round ng 'The Voice Generations'
Isa ang trio na P3 ng Team Bilib ni Coach Billy Crawford ang talagang nagpapabilib ngayon sa The Voice Generations dahil sa kanilang angking singing talent.
Pero bago sila bumuo ng trio, naging suki muna ng ilang amateur singing contests ang P3 na sina Karl Tanhueco, Arvie Centeno, at Tan Sultan.
EMBED PHOTO: P3
Caption: (L-R) Karl Tanhueco, Tan Sultan, and Arvie Centeno
Bukod sa pagsali sa mga singing contests, si Karl ay dating OFW noong 2015. Ngayon ay mayroon na rin siyang isang anak. Si Arvie naman ay bihasa na rin pagdating sa pagsali sa mga singing competition. Siya ang bunso sa walong magkakapatid at siya na rin ang nag-aalaga sa kanilang mga magulang. Ang pinakabata naman sa grupo na si Tan ay tumutulong sa kaniyang mga magulang na sidewalk vendors.
Kuwento nina Arvie at Tan, dati na silang nagdu-duet sa mga talent contest, at iniidolo lamang nila noon si Karl. Nagkrus ang mga landas nilang tatlo nang magkaroon ng pagkakataon na magkasama-sama sila sa isang event, at dito na nagsimulang mabuo ang kanilang trio.
Paglalahad ni Karl, “Noong nalaman po namin na nagkaroon ng The Voice Generations, napag-usapan po namin na bakit hindi namin subukan na sumali naman sa kompetisyon na kami ang magkakasama sa contest.”
Dagdag naman ni Tan, “Actually po ayaw na po talaga ni Kuya Karl na sumali sa contest sa mga TV pero pinilit namin siya, sabi namin, lumaban siya, dahil idol namin siya.”
Sa kanilang blind audition sa The Voice Generations, inawit ng P3 ang kakaiba at mala-”musical play” na rendisyon ng OPM song na “Noypi” ng Filipino music artist na si Bamboo.
Ayon kay Arvie, ang “Noypi” ay isa sa mga nag-viral na performance ni Tan noon kung kaya't ito ang naisip nilang gamitin na awitin para sa kanilang pagsali sa The Voice Generations.
Dahil dito, napaikot ng P3 ang dalawa sa coaches na sina Billy, at Chito Miranda. Sa huli, pinili nila na mapabilang sa Team Bilib ni Coach Billy.
Sa Sing-Off round, muling pinabilib ng P3 hindi lang ang mga coaches kung 'di ang maraming manonood sa kanilang intense performance ng classic love song na “Can't Help Falling In Love.”
Proud na proud naman si Billy sa ipinakitang performance ng P3. Aniya, “They are a very good trio and excited akong marinig kung ano pa ang kakayahan ng P3. So I'm very proud of them. “P” stands for proud.”
Sa susunod na round ng kompetisyon, susubukin pa ni Billy ang kaya pang ibigay ng P3 para sa The Voice Generations.
“I think I need to incorporate a little bit of movements na, the connection not just between them three but the connection with the audience,” ani Billy.
Dagdag pa niya, “I think I'd love to hear their vocal skills a little bit more of tempo so tingnan natin kung anong kaya nating pigain kasi magagaling sila e.”
Ang The Voice Generations ay ang newest spin-off ng biggest singing competition sa mundo na The Voice mula sa ITV Studios.
Napapanood ito for the first time hindi lamang sa Pilipinas kung 'di pati na rin sa buong Asya via GMA Network.
Tutukan ang The Voice Generations tuwing Linggo, 7:35 p.m. pagkatapos ng BBLGANG.