Stell Ajero, suportado ng SB19 sa kaniyang pagiging 'The Voice Generations' coach
Mula sa pagiging mahusay na performer at miyembro ng pinakakilalang P-pop boy group sa bansa na SB19, mapapanood na rin ngayon sa GMA Network si Stell Ajero bilang isa sa coaches ng first-ever The Voice Generations in Asia.
Kasadong makakasama ni Stell bilang coach ang ilan pa sa mga mahuhusay na music icons sa bansa na sina Billy Crawford, Julie Anne San Jose, at Chito Miranda.
Sa panayam ng GMANetwork.com kay Stell, sinabi niya na wala siyang naging dahilan upang tanggihan ang pagiging parte ng nasabing programa dahil mismong ang kaniyang mga kaibigan pa ang nagtulak sa kaniya upang tanggapin ito.
Aniya, “I think wala naman akong reason to say, 'No,' kasi even my friends, colleagues, family, and SB19 members, nu'ng nalaman nila 'yung news na 'yun, talagang sila 'yung number one na nagsabing, 'O, Stell kapag 'yan pinalampas mo pa, hindi na namin alam kung anong gagawin sa' yo.' So parang sa kanila pa nanggaling na excited sila for me para sa project na 'to. So isa rin 'yun sa [mga] naging reason para maging positive ako about this kaya sabi ko, 'Game.'"
Aminado naman si Stell na na-pressure siya nang malaman niya kung sino ang fellow coaches niya sa The Voice Generations pero pursigido siya na makipagsabayan sa mga ito sa tulong ng kanilang mga tagasuporta na nagpapalakas ng kaniyang loob.
Kuwento niya, “Siyempre po kasi tulad nga po ng nasabi ko baguhan pa lang ako sa industry and nu'ng nalaman kong si Julie Anne, si Kuya Billy, and then si Sir Chito, siyempre mga big name na 'yun, e, ako naman SB19 Stell pa lang naman ako.
“So, nakaka-pressure kasi kahit naman sabihin ko na may fandom kami, may A'TIN, iba rin siyempre 'yung mga hatak ng mga kasama kong coaches, ma malalakas 'yun e, mga batikan.”
Dagdag pa niya, “Kaya excited na lang ako na mag-start talaga 'yung show, excited akong makipag-banter sa kanila, makipag-agawan ng talent sa kanila, 'yun 'yung mga dapat nilang abangan kung paano ko susuyuin 'yung mga talents and paano ko aagawin sa other coaches 'yung mga talents.”
Ang The Voice Generations ay ang newest spin-off ng biggest singing competition sa mundo na The Voice mula sa ITV Studios. Mapapanood ito for the first time hindi lamang sa Pilipinas kung 'di pati na rin sa buong Asya sa pamamagitan ng pagpapal GMA Network.
Bukod sa superstar coaches na sina Billy, Julie Anne, Stell, at Chito, makakasama rin bilang host ng nasabing programa si Kapuso Primetime King Dingdong Dantes.
Para sa iba pang showbiz and entertainment updates, bisitahin ang GMANetwork.com.
KILALANIN ANG THE VOICE GENERATIONS COACHES SA GALLERY NA ITO: