Thea Astley, inaming ayaw makalaban si Jeremiah Tiangco sa 'The Clash' Season 2 grand finals
Binalikan nina Jeremiah Tiangco at Thea Astley ang kanilang laban sa The Clash Season 2 grand finals na naganap noong December 15, 2019 sa ikalawang episode ng The Clash Flashback Specials.
Sina Jeremiah at Thea ang mapalad na nakaabot sa final one-on-one clash matapos silang maglaban-laban sa 'Isa Laban Sa Lahat' round kung saan nakaharap din nila sina Nef Medina, Antonette Tismo, at Jeniffer Maravilla bilang final five Clashers.
"No'ng narinig ko po 'yung pangalan ko, siyempre, merong kaba.
"Nangibabaw din po 'yung saya sa 'kin kasi ando'n 'yung pamilya ko, umuwi pa po sila ng Pilipinas para po mapanood akong mag-perform.
"Finally, 'yun na po 'yung last round kaya sobra-sobrang saya ko lang po and I think 'yun din ang gusto kong dalhin sa performance ko, 'yung saya and gratefulness na naramdaman ko no'ng tinawag po 'yung pangalan ko," pagbabalik-tanaw ni Thea na binansagang Qatar's RnB Sweetheart.
Ganito rin daw ang naramdaman ni Jeremiah nang tawagin ang kanyang pangalan bilang top two finalists.
Aniya, "No'ng sinabi 'yung pangalan ko, 'di ko alam 'yung gagawin ko. 'Yung saya na nararamdaman ko no'ng gabing 'yun is walang kapantay."
Karamihan sa top twelve contestants ay si Jeremiah ang kinatatakutang makalaban at isa na riyan si Thea.
Kuwento ng huli, "Fun fact lang, no'ng round two po kasi meron parang interview. First time po kami no'n na tinanong kung sino 'yung pinakaayaw mong makalaban tapos ang sinagot ko po si Jeremiah.
"So feeling ko na-manifest po ata na kaming dalawa 'yung maglalaban kasi 'yun nga po talaga 'yung nangyari sa final clash."
Sa huli, itinanghal na ikalawang grand champion si Jeremiah ng The Clash at buong puso naman itong tinanggap ni Thea.
Aniya, "No'ng nasa stage na po kasi kami, ando'n 'yung kaba and, at the same time, like sa The Clash grabe talaga 'yung pressure so 'yung fact na magkakasama kami, every week na nagpa-practice, nabuo na po talaga 'yung bond namin.
"So no'ng grand finals, we're so happy to be here na lang. Feeling ko kahit ano na lang mangyari, kung para kanino 'yun sa kanya na talaga, naka-destined na talaga 'yun para sa kanya."
Samantala, hanggang ngayon ay hindi pa rin daw makapaniwala si Jeremiah na siya ang winner ng nasabing season ng The Clash na nangyari mahigit isang taon na ang nakalilipas.
"Actually. hanggang ngayon nagwa-wonder pa rin ako. Parang 'di pa rin pumapasok sa isip ko na ito na, ito na 'yung hinihintay kong matagal na since seven years old na nag-strive kami nila Mama, ng family namin na mag-audition kung saan-saan. 21 years old ko s'ya nakamit," bahagi ni Jeremiah.
Balikan sa mga larawang ito ang grand finals ng The Clash Season 2.