Klea Pineda at Katrice Kierulf, nagkwento ng first impressions sa isa't isa
Naghatid ng saya at kilig ang real life couple na sina Klea Pineda at Katrice Kierulf sa “Kilig-Tawa: The 7th Anniversary Special" ng The Boobay and Tekla Show noong linggo (February 9).
Related gallery: The sweetest moments of Klea Pineda and her girlfriend Katrice Kierulf
Sa pagbisita ng special guests ay sumalang sila sa segment na “Match Me If You Can” kung saan sinagot nila ang ilang tanong tungkol sa pag-ibig at relationships. Dito ay napag-usapan ang first impression nina Klea at Katrice sa isa't isa.
Ayon kay Katrice, ang unang impression niya sa kanyang girlfriend ay “mataray/masungit.” Paliwanag ni Katrice, “Kasi noong first meet namin, naka-all black siya tapos naka-cap parang pa-mysterious ganon, tapos naka-poker face. Kasi ako unang pagkakita ko sa kanya, ngiti kaagad ako, parang 'Hello, my name is Kat.' Sabi lang niya, 'Hi, I'm Klea', gano'n.”
Dahil dito ay inakala niyang hindi masyadong approachable ang aktres. Dagdag pa niya, “Parang na-caught off guard ako, parang bigla akong kinabahan na kausapin siya.”
Ayon naman kay Klea, ang first impression niya sa kanyang nobya ay “straight” at nagbigay din siya ng paliwanag tungkol dito.
“Nakita ko siya sa TikTok tapos dumiretso na akong Instagram. Tapos stinalk ko siya, 'Uy, rider' 'Uy, a Filipina' ganyan tas nag-follow na ako siyempre. Tapos sakto may common friend kami,” pagbabahagi niya,
Kwento pa ni Klea, pinilit niya ang kanilang common friend na magkaroon sila ng isang dinner kasama si Katrice dahil gusto niyang makilala ito.
“Nag-meet kami, hindi ko pa sure kung straight siya or possible ba na open ba siya sa same sex na relationship, ganyan. Tapos 'yun na, the rest is history,” patuloy niya.
Subaybayan ang The Boobay and Tekla Show tuwing Linggo, 10:05 p.m. sa GMA at Kapuso Stream. Mapapanood din ang programa sa oras na 11:05 p.m. sa GTV.