Magsisimula ang kuwento ni Sahaya sa kanyang mga magulang, ang Badjaw na si Manisan at ang Mindanao State University student na si Harold. Matapos ibigay ni Manisan ang sarili kay Harold ay tatakasan siya ng lalaki, kaya hindi na siya kumontra nang ipakasal siya sa kapwa Badjaw na si Aratu.
Nang makasal na ay saka madidiskubre ni Manisan na buntis siya kay Harold. Dahil sa kahihiyan ay lilisanin ni Manisan ang kanilang kampong at makakarating ng Zamboanga. Doon niya makikilala ang isang Yakan, isang matandang manghuhula na magsasabing ang batang kanyang dinadala ay may kakaibang kakayahan at ipagmamalaki ng kanilang angkan.
Isisilang ni Manisan ang anak at tatawagin niya itong Sahaya. Magkakaroon ang bata ng matinding koneksyon sa dagat at magiging malapit sa mga isda at iba pang hayop sa tubig. Lalaki si Sahaya na mabait, maganda at matalino, kaya magkakagusto sa kanya ang kababatang si Ahmad. Marami siyang pagdadaanang pagsubok hanggang sa mapadpad siya sa Maynila, kung saan makikilala niya si Jordan. Sa bagong yugto na ito sa buhay ni Sahaya ay mapipilitan siyang makibagay sa mga taong hindi niya kilala, at sa pamumuhay na iba sa kinalakihan niya.
Sundan ang kuwento ng isang babaeng isinilang na pinagpala. Sa direksyon ni Zig Dulay, abangan ang 'Sahaya' ngayong Marso na sa GMA Telebabad.
Cast:
Bianca Umali - Sahaya
Miguel Tanfelix - Ahmad
Migo Adecer - Jordan
Ashley Ortega - Lindsay
Mylene Dizon - Manisan
Jasmine Curtis-Smith - young Manisan
Zoren Legaspi - Harold
Gil Cuerva - young Harold
Ana Roces - Irene
Snooky Serna - Salida
Benjamin Alves - Aratu
Eric Quizon - Hubert
Pen Medina - Panglima Alari