Kilalanin ang star-studded cast ng murder mystery series 'Royal Blood'
Kasado na ngayong Lunes, June 19, ang pagsisimula ng imbestigasyon kung sino nga ba ang pumatay sa business tycoon na si Gustavo Royales. Isa kaya sa mga anak niya ang tunay na may sala?
Pagbibidahan ni Kapuso Primetime King Dingdong Dantes ang pinakamalaking murder mystery series ngayon sa primetime, ang Royal Blood.
Makakasama sa star-studded na cast sina Megan Young, Mikael Daez, Dion Ignacio, Lianne Valentin, Rabiya Mateo, at Rhian Ramos. Sa natatanging pagganap ni Tirso Cruz III, kasama rin sina Ces Quesada, Benjie Paras, Carmen Soriano, Arthur Solinap, James Graham, Aidan Veneracion, Princess Aliyah, at Sienna Stevens.
Ang Royal Blood ay sa ilalim ng direksyon ni Direk Dominic Zapata, na siya ring direktor ng hit series na Bolera, First Yaya, at Hearts On Ice.
Abangan ang Royal Blood, Lunes hanggang Biyernes, 8:50 p.m. sa GMA Telebabad.
Dingdong Dantes as Napoy
Makikilala si Dingdong Dantes bilang Napoleon "Napoy" Terrazo, illegitimate son ng business tycoon na si Gustavo Royales at isang mapagmahal na single father sa anak na si Lizzie. Nagsisikap siyang maibigay ang pangangailangan ng anak sa pagtatrabaho bilang isang motorcycle rider.
Megan Young as Diana
Si Megan Young ang gaganap sa dating beauty queen na si Diana. Siya ay ex-girlfriend ni Napoy na nagpakasal sa mas mayamang half-brother ng huli na si Kristoff. Handa siyang lumaban para protektahan ang anak na si Archie, na mayroong autism.
Mikael Daez as Kristoff
Bibigyang-buhay ni Mikael Daez ang ambisyosong karakter ni Kristoff Royales, half-brother ni Napoy na umaasang siya ang magmamana ng posisyon ng amang si Gustavo.
Rhian Ramos as Margaret
Gagampanan ni Rhian Ramos ang religious at conservative na karakter ni Margaret, half-sister ni Napoy at pangalawang anak ni Gustavo.
Dion Ignacio as Andrew
Mapapanood si Dion Ignacio bilang Andrew Castor, asawa ni Margaret. Son-in-law at kanang-kamay ni Gustavo sa kumpanya.
Lianne Valentin as Beatrice
Gaganap si Lianne Valentin bilang Beatrice Royales, half-sister ni Napoy at ang materialistic at superficial na bunsong anak ni Gustavo.
Rabiya Mateo as Tasha
Makikilala si Rabiya Mateo bilang Tasha, kapit-bahay na may crush kay Napoy. Siya na rin ang tumatayong ina ng anak ni Napoy na si Lizzie. Matalik siyang kaibigan ng nasirang asawa ni Napoy na si Kate.
Tirso Cruz III as Gustavo
Ang multi-awarded actor na si Tirso Cruz III ang gaganap sa karakter ng business tycoon na si Gustavo Royales, ang mayamang ama nina Napoy, Kristoff, Margaret, at Beatrice. Hinahanap kung sino sa mga anak niya ang gustong pumatay sa kanya.
Ces Quesada as Cleofe
Mapapanood ang seasoned-actress na si Ces Quesada bilang Cleofe, ang mayordoma at katiwala sa mansyon ni Gustavo. May mga nalalaman sa sikreto ng mga Royales.
Benjie Paras as Otep
Bibigyang-buhay ni Benjie Paras ang karakter ni Otep, best friend ni Napoy at takbuhan nito sa lahat ng bagay. May-ari ng isang maliit na talyer.
Carmen Soriano as Camilla
Ang seasoned actress na si Carmen Soriano ang gaganap sa karakter ni Camilla, ang biyenan ni Napoy na walang ginawa kung hindi ang subukang kuhanin sa kanya si Lizzie.
Arthur Solinap as Emil
Mula Widows' Web, muling gaganap bilang Emil si Arthur Solinap. Isang imbestigador na matagal nang nagtatrabaho kay Gustavo.
James Graham as Louie
Mapapanood si James Graham bilang Louie, anak ni Andrew na tinanggap ni Margaret na parang tunay niya na ring anak.
Aidan Veneracion as Archie
Gagampanan ni Aidan Veneracion ang karakter ni Archie, ang anak nina Kristoff at Diana na mayroong autism spectrum disorder (ASD).